NANG si Lorenz na ang nasa harapan ni Blizzard, nagalit na nang husto si Blizzard. “Buti naman dumating ka! Dahil papatayin talaga kitaaa!”
At bumuwelo si Blizzard, hinataw si Lorenz.
Pero mabilis si Lorenz na napayuko. Kaya sa hangin tumama ang hataw.
Si Reyna Miley naman ay tinalon si Miley at kinagat sa leeg. Pero bago bumaon ang mga matatalas palang ngipen nito ay naitulak nang buong lakas ni Miley ang peke.
Bumagsak sa buhangin ang reyna, bumaon sa likod tagos sa dibdib ang matulis na bato.
Nangisay si Reyna Miley, umungol sabay tirik ng mga mata.
Nakita iyon ni Blizzard. “Mahal ko! Reyna Miley!”
Kahit alam niyang si Reyna Coreana ito, naawa pa rin si Miley, nabigla pa rin dahil posibleng mamatay si Reyna Coreana at siya ang may kagagawan.
“Reyna Coreana, sorry ... hindi ko sinadya!”
Galit na nilingon ni Blizzard ang original na nobya. Nanlilisik ang kanyang mga mata.
“Hindi kita mapapatawad! Mahal na mahal ko ang gusto mong mamatay!”
“No, Blizzard. Wala akong intensiyon kanina na patayin siya. Pero pwede ba, itigil mo na ang kabaliwang ito. Alam mong nagpapaalipin ka sa isang undead na reyna na gumagaya lang sa itsura ko.”
“Siya lang ang babaing in love na in love sa akin. Hindi niya ako ipagpapalit kahit kanino.” Galit na sumagot si Blizzard.
“Gagawin ka rin niyang alipin, eventually. Siya ang hatawin mo, Blizzard! Siya ang dapat mamatay!”
“Aba’t dinidemonyo mo pa si Blizzard, ha? Ito’ng sa ‘yo!” Nagpakawala ng power si Reyna Miley, itinapon kay Miley.
Pero walang nangyari. Parang nag-backfire lang ito, bumalik kay Reyna Miley at sa mga paanan nito tumama.
Nabigla si Reyna Miley. “H-Hindi ka tinatablan ng kapangyarihan ko? Gusto pa naman sana kita gawing daga.”
Nakiramdam din si Miley. Hinawakan ang lahat na bahagi ng kanyng katawan, ng mukha.
“H-Hindi ako nagbago. Ako pa rin si Miley!” Hindi makapaniwala si Miley na walang nangyari sa kanya.
“Bakit gano’n? Gusto ko siyang gawing daga! Gusto ko siyang gawing dagaaa!”
“Namimili ang kapangyarihan mo, Reynang masama! At salamat sa Diyos!” Sigaw ni Miley kay Reyna Miley.
“Miley, tayo na! Nandidiyan na ang mga sundalo! Wala tayong laban!” At hinila na ni Lorenz si Miley.
Takbo na ang dalawa.
Nagalit naman lalo si Reyna Miley, tinalakan ang mga sundalo. “Bakit huli kayo kung dumating? Habulin at patayin ‘yung dalawa! Lalo na si Miley! ‘Yung mukha niya, durugin ninyo para walang katibayan na duplikado lang ako sa babaing ‘yan!”
ANG mga tao ni Lorenz kasama sina Doktor Larry at Doktora Joanne ay nagsisisigaw sa tuwa. Nasa mababaw na bahagi ng dagat sila.
At nakita na nila ang napakaraming tanim na tatalab bilang sandata laban sa mga undead.
“Tama! Tama itong mga tanim dito! Berdeng-berde ang lahat na dahon, walang discolorization sa dulo, kaya ito na nga ang mga tamang sandata natin!” Pagkumpirma ni Doktora Joanne.
“Bilisan na natin ang pag-harvest! Baka makita pa tayo ng mga undead!” Halos nasa tamang huwisyo na si Doktora Joanne kaya normal na rin itong magsalita.
Mabilis nga ang kilos ng mga tao.
Pero isa sa mga undead soldier ang may dalang telescope at nasisilip sila mula sa malayo. “Hayun! Hayun sa dagat ang mga tao! At papunta rin sa kanila sina Miley at Lorenz! Sugoood! Bilisan!!
Itutuloy