Hindi lang sosyal tingnan ang mga sliding na bintana at pintuan, ito rin ay nakatitipid ng espasyo sa bahay. Pero sa paglipas ng panahon ay nagkakaroon ng mga problema ang mga sliding windows at doors. Isa sa mga ito ang pagkaka-stuck paminsan-minsan.
Nai-stuck ang mga sliding na bintana at pintuan dahil sa dumi o pinturang natutunaw dahil sa init ng panahon. Kung gawa naman sa kahoy ang bintana at pinto, nag-e-expand naman ito kapag nababasa.
Isa sa pinakamadaling paraan para masolusyunan ang stuck na sliding na bintana at pintuan ay ang silicone spray lubricant. Karaniwang mabibili ito sa mga hardware. Mag-spray lang ng tamang dami sa basahan at ipunas sa bintana at pintuan mapa-kahoy, plastik, o bakal man ito.
Pero paano kung wala kayong silicone spray lubricant? Kandila ang isa pa sa mga epektibong pampadulas ng stuck na sliding na bintana at pintuan. Ang paraffin wax na ginagamit sa paggawa ng kandila ang nagsisilbing pampadulas sa mga ito. Maaari rin kayong gumamit ng floor wax kung wala kayong kandila sa bahay.
Basta ba kulay puti lang na kandila at floor wax ang gagamitin para hindi magmantsa sa inyong mga bintana at pintuan.
Ito po ang inyong Kumpunerong Kuya na nagsasabing, kung gusto ay maraming paraan!