Lahat ay nakikisimpatya kay Gloria Ortinez, 56 years old na halos 20 years nang Overseas Filipino Worker, sa kaso nitong laglag bala scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mabuti at nabuking ang modus ng pagtatanim ng bala sa bag kay Gloria dahil naglabasan na rin ang ilang naging biktima ng parehong kaso. Ilan pa kayang OFWs, pasahero, o foreigners ang lulutang na nabiktima ng mga masamang elemento sa NAIA?
Akalain mo sa sarili mo pang bansa mamalasin ka ng wala sa oras. Pagkatapos mong tiising iwanan ang sarili mong pamilya at magtrabaho sa ibang bansa, bibiktimahin ka pa ng mga tiwaling pulis na dapat ay nagpoprotekta sa mamamayan ay ipapahamak ka pa.
Nakakahiya sa buong mundo ang masang imahe, kaya pati ang ibang dayuhan at kababayan natin ay naglalagay na ng plastic bilang selyo sa kanilang mga bag o bagahe para hindi mabiktima.
Paano na ang kaso ni Gloria, na hindi pa makausap ang kanyang amo dahil hindi pa niya alam ang magiging takbo at kapalaran ng kanyang problema. Paano na ang abalang kinakaharap nito? Sino ngayon ang sasagot sa lahat ng gastos, oras, at another booking dahil forfeited na ang ticket niya. Hindi pa kasama ang stress at trauma na dinadanas ni Gloria at pamilya nito.
Nagkalat na ang posting sa social media sa pagbibigay ng warning kung sakaling mabiktima ng laglag bala tulad ng huwag pumayag na pabuksan ang inyong bag kung walang airport police; huwag din pumayag na ikaw mismo ang magbubukas ng bag; kapag may witness na, ang mismong officer ang pakuhain mo ng bala; kung talagang hindi sa iyo ang bala walang makukuhang fingerprint dito.