KAHIT ano pa ang itsura niya ay tumakas, tumakbo palayo ang dating doktor.
Na ngayon ay aywan kung anong itsura ang ginawa sa kanya ni Reyna Coreana sa pamamagitan ng paminsan-minsang kapangyarihan nito sa pagma-magic.
“MAGPAHINGA muna siguro tayo, Miley. Mahirap sumugod sa isang laban kung pagod tayo. Lahat tayo ay napagod, na-frustrate.”
“Tama ka, Lorenz.”
“Iyan din ang opinion ko ngayon, Miley. Magpahinga na lang muna tayo. Para makapag-isip.”
“Blizzard, iyan nga ang dapat nating gawin. Kanina pa tayo nag-uusap ng mga tamang hakbang. But I guess, uunahin muna natin ang makapag-recharge.”
“Miley, halika na doon sa kubo ko …”
Nanlaki agad ang mga mata ni Blizzard, pati mga butas ng ilong.
“Ano’ng sabi mo? Dadalhin mo ang girlfriend ko sa iyong kubo?”
Patay-malisyang sumagot si Lorenz. “Oo, Blizzard. Para doon siya matutulog magdamag.”
Sinuntok agad ni Blizzard si Lorenz.
“Patulan na kaya kita? Nakakalalaki ka, a! Bakit mo ba ako sinuntok? Alam mo kapag pinatulan kita aywan ko lang kung hindi mabibiyak ang panga mo.” Natural na magalit si Lorenz.
“Bakit, ibabahay mo magdamag ang girlfriend ko?”
“Hindi! Doon lang siya matutulog, kasama ang isang babaing tao ko para mas safe. At ako, makikitulog sa ibang kubo! Ang dumi kasi ng isip mo!”
Napahiya si Blizzard. Si Miley naman ay masyado nang pagod para magsermon pa kay Blizzard.
“Goodnight sa inyong dalawa. Matulog na rin kayo. Bukas nang maaga, mag-uusap tayo uli tungkol sa paglaban kina Reyna Coreana.”
TAHIMIK na ang kampo pero may mangilan-ngilang nagbabantay na mga lalaki.
May isang nilalang na pasilip-silip. Hindi malaman kung paano magpapakita.
Pero nakita siya bago pa siya nakapag-isip ng paraan.
Alerto agad ang nakakita. “Magsigising kayo! Nalusob na tayo ng sundalo ni Reyna Coreana!”
Agad ngang nagising ang lahat. Si Miley, ang bilis ng takbo sa labas para alamin ang kasalukuyang sitwasyon.
ITUTULOY…