Balik-loob muna tayo sa mga fast food. Naalala ko nu’ng high school, paboritong ipa-deliver ng mga kaklase at kabarkada ko ang pizza kapag may school projects o sleepover kami. Madali kasi itong kainin at hindi na kailangan ng mga plato at kutsara na kailangang iligpit pagkatapos.
May bagong flavor ng pizza ngayon ang Greenwich na swak sa panlasa ng barkada. Iba-iba kasi ang santambak na toppings nito. Ito ‘yung tinatawag nilang Cheesy Steak and Fries Overload. Over talaga ito sa toppings dahil may tatlong cheese – cheddar, cream, at mozzarella, malambot na steak (siyempre may sibuyas), at potato strings (fries) na ang hula ko ay picnic. He he he.
Kaya naman na-excite ang inyong lingkod na matikman ang bagong pizza flavor ng Greenwich, paborito ko kasi ang binago nilang recipe ng crust na malambot at malasa.
Dumating ang order namin na bagong gawa, mainit-init pa. Sa unang kagat, amoy at kalasa ng isang brand ng corned tuna ang aking naisip sa steak. Pero lasang-lasa ko ang tatlong klase ng keso at kitang-kita naman ito dahil nagdudumikit pa ang mga kesong bagong luto. Ang potato strings (fries) naman ay nakadagdag sa malutong na experience. Magandang kombinasyon sa texture ang malambot na malambot na steak at crunchy na potato strings.
Medyo nag-alangan lang ako sa kombinasyon ng mga lasa dahil sobrang tapang para sa akin. Palagay ko, hindi nagbi-blend ang lasa ng steak sa three cheese at potato strings.
Pero enjoy naman itong kainin dahil nga sa iba-ibang “textures” gawa ng steak at potato strings.
Iba’t iba naman ang panlasa ng tao sa pizza. Siguro medyo conservative lang ako pagdating dito. Gusto ko ng classic flavor ng pizza, tipong Hawaiian lang. Iba pa rin kasi ang lasa ng pinya sa pizza, eh.
Anyway, marami akong nakita sa katabing table na um-order din ng bagong flavor ng pizza at enjoy na enjoy ang magbabarkada sa pagkain nito. Ang solo ay nagkakahalaga ng Php109.00, double: Php299.00, barkada size: Php409.00, at ang 15-in. pizza ay Php519.00.
Murang-mura ito kung tutuusin sa rami ng toppings. Kaya subukan n’yo na ang bagong flavor ng Greenwich dahil for a limited time lang ito. Burp!
Para sa mga katanungan at suhestiyon maaaring mag-email sa burpnikoko@gmail.com.