OFW problemado sa misis

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Tony, 40 years old, isang OFW sa Dubai. May asawa ako pero wala kaming anak dahil mas madalas akong nasa abroad sa hangad ko na magkaroon ng magandang kinabukasan sa bubuuin kong pamilya. Pero nitong Oktubre ay biglaan ang aking pag-uwi sa Pilipinas dahil sa masaklap na balita mula sa aking mga kaanak na may ibang lalaki ang aking asawa. Kinompronta ko ang misis ko at itinanggi niya ito. Siya pa ang nagalit sa akin dahil mas may tiwala raw ako sa aking mga magulang kaysa sa kanya. Dahil dito ay naglayas siya at hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. Wala siya sa kanyang mga magulang o kamag-anak sa probinsiya. Maayos ko naman siyang kinausap dahil gusto kong marinig ang kanyang panig. Pero siya ang uminit ang ulo at naglayas. Ano ang gagawin ko? Paano ko malalaman ang katotohanan?

Dear Tony,

Mahirap maghusga. Posibleng sinisiraan lang ng mga kaanak mo ang iyong asawa pero may posibilidad din na totoo ang sumbong sa iyo. Pero dapat mo muna itong patunayan bago gumawa ng anumang marahas na hakbang. Gumawa ka ng sariling pag-iimbestiga ng malaman mo ang totoo. Depende sa resulta nito ang susunod mong gagawing hakbang. Madalas na problema kapag nag-aabroad ang isa sa mag-asawa ay ang pagkasira ng pamilya. Ang salaping kikitain ay hindi makakatumbas sa tatag ng pamilyang maibibigay ng pagsasama sa iisang bubong. Nawa’y magkaroon ng kalutasan ang iyong suliranin.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments