NAG-ISIP sandali ang doctor.
“Miley, handa akong magsakripisyo para sa dalawang ‘yon. Basta isama n’yo lang ang doktora. Maghanap kayo ng maraming tanim na sandata natin laban sa kanila. Babalik ako doon at kunwaring makikipagtulungan ako para maging kamukha mo uli si Reyna Coreana.”
“Sigurado kayong iyan ang gusto ninyo?”
“Oo, Miley. Dalawang buhay ang dapat maligtas. Kokonti lang tayo, hindi na tayo dapat malagasan pa.”
Naiyak si Miley. “Salamat sa inyong kabutihan, Doktor Larry. Hayaan n’yo, pipilitin naming makakahanap ng marami ng mga tanim na ‘to.”
“Magdasal kayo nang husto, Miley. May awa ang Diyos.”
“Opo, Dok! Sige po, good luck sa ‘yo!”
“Good luck din sa inyong lahat!”
Hinalikan muna ng doctor si Doktora Joanne. “Mahal, para sa iyo kaya ayaw kitang isama. Pero alam kong magkikita pa rin tayo. At makakauwi tayo sa ating mga anak.”
Lumuha at tumango si Doktora Joanne. Kitang malapit nang maging normal ang pag-iisip niya.
GALIT na galit si Reyna Coreana sa kanyang mga sundalo. Sina Lorenz at Blizzard ay katabi pa rin niya.
Magkamali nang konti ng pagkilos ang mga ito ay tiyak na mapapahamak sa reyna ng mga undead.
“Mga tanim na mababaho lang, tumakbo kayo?”
“Para po kaming mamamatay, hindi kami makahinga!”
“Nasa utak n’yo lang ang takot n’yo, mga hunghang!”
“Pero masama ho sa aming pakiramdam at sistema. Marami nga hong nagsuka at hanggang ngayon hindi pa tumitigil.”
“At ano ang gusto ninyo, maaawa pa ako sa inyo? Mga inutil! Sige, ilagay sa kawa ang dalawang ito. Nakatali sila. Iyung madaling sindihan sa ilalim kapag inis na ako’t hindi pa rin bumabalik ang doctor!”
“May sakit kayo, Reyna Coreana? Mukha namang malakas kayo, a!”
“Itong mukha ko ang may problema! Nawala na ang ganda ni Miley! Ang ganda at kabataan niya, natunaw lang! Kapag wala ang doctor, hindi na mauulit ang kagandahan ko!”
“Ano po ang dapat naming gawin?”
Agad sinapok ng reyna ang kawal. “Ang liit ng utak mooo! Kanina ko pa nga sinasabi na kailangan ko ang doctor, e! Bakit nagmamatigas sila! Papatayin ko na ba ang dalawang ito?”
“Naririto na ako, Reyna Coreana!” Bumungad si Doktor Larry. -ITUTULOY