Island of the Undead 87

 NABUHAYAN ng loob si Miley. “Kung ganoon ay pumunta na tayo sa kanilang kampo at kausapin ang mga tao doon.”

 “Let’s go!” Sabi ni Doktor Larry sabay hawak sa kamay ni Doktora Joanne.

Binalingan naman ni Miley ang taong aso. “Blizzard, bakit nakatayo ka lang diyan. Dalian na natin, nakikipaghabulan tayo sa oras para sa buhay ni Lorenz.”

Himalang sumunod pa rin naman si Blizzard kahit ang sama ng loob nito.

SI LORENZ ay walang malay na dinala ng mga sundalo sa kanilang reyna na ngayon ay pagkaganda-ganda nang kahawig ni Miley.

Nagtaka si Reyna Coreana. “Sino siya?”

Lengguwahe nila ang ginamit ng sundalong undead na lider ng operasyon patayin si Miley.

“Kkkkkssssttttaaaa .... Lukringkaaaaaa...”

“Kasama siya nina Miley sa paglabas sa gubat? Kung ganoon, totoo ang hinala natin na may mga taong survivors na ngayon ay naninirahan sa loob ng gubat?”

Tumango ang mga sundalo.

Galit na galit ang reyna ng mga undead. “Matagal na pala tayong mga tanga. Bakit nila tayo naisahan?”

“Mahal na reyna, ayaw n’yo kasing maniwala ... na may iba pang taong nakaligtas sa mga eroplanong bumagsak at mga barkong lumubog. At napadpad sila dito sa atin. Pero sa halip na mapatay at makain natin sila, namuhay pa sila sa ating gubat!”

“Lulusubin natin ang gubat na ‘yan para mapalabas natin ang mga kasamahan nitong tao. Pati na rin sina Miley! Hindi pa rin nagbago ang order ko na patayin si Miley!”

Lumapit naman sa wala pa ring malay na si Lorenz ang isang matapang na undead.

At itinaas na nito ang kanyang sibat. Para ibaon sa dibdib ng walang kamalay-malay na binata.

Nang biglang sumigaw ang reyna na hindi umaalis ang mga mata ngayon kay Lorenz. “Huwaggg! Nagbago ako ng disisyon!”

Ibinaba naman ng sundalo ang kanyang sibat at tulad ng iba, buong paggalang na yumukod kay Reyna Coreana. “Ipagpaumanhin n’yo po. May karapatan po kayo bilang reyna na suspindehin ang death sentence ng gagong ito.”

Tinitigan nang husto ni Reyna Coreana ang wala pa ring malay na si Lorenz. “Napakakisig niya. Ngayon ... ngayon lang ako nagkaroon ng ibang damdamin para sa isang ordinaryong tao.”

ITUTULOY

Show comments