Ang isa sa pinakamagandang regalo na maibibigay mo sa iyong kaibigan, partner, anak, asawa, o sa ibang tao ay ang pakikinig. Ang pakikinig ay isang paraan ng pagbibigay mo ng oras; pagpapakita ito ng pagpapahalaga na nagiging daan din ng connection sa iyong mahal sa buhay. Ang pakikinig ay pagbibigay din ng mas malalim na pang-unawa sa sitwasyon ng isang tao.
Ang nakalulungkot dahil konti na lang ang nakikinig, madalas mas marami na ang nagsasalita at sarili na lang nila ang kanilang pinakikinggan.
May ilang mga suhestiyon na makatutulong para maging mabuting tagapakinig at kung ano ang dapat iwasan at dapat gawin:
Focus- Nagpapakita ka ng interes kapag ikaw ay nakikinig ng mabuti sa sinasabi ng iyong kausap. Huwag sumingit, hayaan siyang magsalita hanggang matapos ang kanyang sinasabi.
Eye contact - Huwag tumingin sa balikat ng kaharap na parang naghihintay ka pa ng mas interesadong detalyeng sasabihin niya sa iyo. Bagkus ay tumingin sa nagsasalita na naka-level ang eye contact sa iyong kausap.
Interest – Huwag madaliin ang kausap, magtanong na magiging guide ninyo sa inyong magandang pag-uusap. Kapag pinagmamadali mo ang iyong kausap nagpapakita ka lang ng hindi ka interesado sa kanyang sinasabi. Kung talagang seryoso ang pag-uusapan, mag-set ng schedule para magkaroon ng sapat na oras ang iyong sharing o bonding time. Magpakita rin ng positive na body language. Maging enthusiastic at mag-relax sa inyong usapan.
Walang sagabal – I-turn off o ilayo muna ang iyong cell phone habang may kausap. Para hindi ka ma-attempt na mag-check ng mga pumapasok na text o kaya ay tawag sa gitna ng inyong seryosong usapan.
Sensitive – Huwag magsasabi sa iyong kausap na alam mo na ang kanyang nararamdaman. Ito ay pagpapakita ng pagiging insensitive o self-centred ng isang tao. Lahat ng tao ay gustong maintindihan. Iwasan din ang pagiging mapaghusga. Balansihin muna ang mga bagay bago ibigay ang iyong opinyon. Dapat ay nagpapakita ng totoong simpatya at concern sa nararamdaman ng ibang tao. Huwag din magtanong ng bagay na ayaw mong malaman ang buong detalye.
Confidential – Huwag sirain ang tiwala ng kausap, at lalong huwag mong gamiting panlaban sa kanya ang mga isyung pinag-usapan ninyo.