Ngayong buwan ng Setyembre ay nagdiriwang ng Suicide Prevention Month. Hindi lang sa ating bansa nakaaalarma ang pagtaas ng bilang ng mga taong nagpapakamatay, kundi maging sa buong mundo.
Katunayan ang suicide ay nagiging number one na silent killer sa kabataan na puwedeng maiwasan kung mabibigyang pansin ng mga nakatatanda at kaibigan kung aware tayo sa sign at alam natin kung ano ang ating gagawin.
Kahit karamihan sa kabataan na may suicidal tendency ay hindi naghahanap ng tulong, wala rin silang ipinapakitang sign sa kanilang kaibigan, classmates, magulang, o kahit sa pinagkakatiwalaan nila sa eskuwelahan.
Pero huwag na huwag ipagwalang bahala ang signs dahil malaki ang iyong maitutulong. May mga dahilan kung bakit nagpapakamatay ang mga bata na maaaring dahil sa nakipag-break ito sa kanilang gf/bf, bumagsak sa exam sa school, problema sa kanilang magulang, rejection ng kanilang kaibigan, at marami pang posibleng pinaghuhugutan nila ng problema. Kapag ang bata ay naka-witness ng shooting sa kanilang eskuwelahan o nagkaroon ng terrorist attack sa isang bansa ang ilang bata ay nagpapakita ng warning signs ng suicidal behavior.
Ang mga bata at kabataan na naka-experience ng pang-aabuso, namatayan, nakaranas ng maagang trahedya, nakatatakot na sitwasyon, na-depress, nagkaroon ng emotional problems ay matataas ang risk ng nagpapakamatay. Ang mga warning ay maaring hindi agad makikita pagkatapos ng nangyari sa kanya. Pero ang kanyang mga magulang, guro, kaibigan ay dapat maging mabuting tagapakinig at magmasid sa kanya sa loob ng ilang linggo.
Narito ang ilang mga suicide warning signs:
Suicide notes – Ito ay totoong sign na nasa panganib na sitwasyon emotionally ang bata na dapat seryosohin.
Banta – May mga direktang pagbabanta na “I want to die.” “I am going to kill myself.” Meron din walang pinangtutungkulan tulad ng “Nobody will miss me anyway.” “Mas masaya ang mundo kung wala ako.” May clue rin na idinadaan nila sa pagbibiro sa kanilang mga assignment o artwork. Puwede ring hindi nila masabi ang kanilang nararamdaman, pero nakikita sa kanilang pag-uugali na nanakot o nagpaparamdam ng suicidal comments.
Pananakit sa sarili – Ang pananakit sa sarili ay isang warning sign tulad ng tatakbo sa kalsada, sinusugatan ang sarili, o pagtalon sa matataas na lugar.
Pag-iiwas – Ang madalas na pagliban sa klase, ayaw sumama sa kanyang kaibigan, pamilya; walang interes sa pagsali sa mga activities, at pag-iwas sa mga kaibigan.
Huwag mag-atubiling kausapin ang iyong kasama o kaibigan. Magsabi rin sa iyong magulang o ipaalam sa matatanda, at huwag mangangako sa kaibigan na hindi mo ipagsasabi sa ibang tao ang balak niyang pagpapakamatay. Huwag din solohin ang problema ng anak sa kanyang tangkang pagpapakamatay. Kailangan mo ng crisis team o organisasyon sa inyong eskuwelhan na guro, social workers, psychologist, at principal na makatutulong sa signs ng violence o suicidal attempt ng inyong anak. (source: NASP website)