Island of the undead (82)
PATI si Doktor Larry, humanga rin. “Maayos na tirahan at tingin ko ay maganda rin ang inyong kalusugan. Habang nasa labas lamang ng gubat ang mga undead, mapanganib. Paano ninyo nagawa ito, Lorenz?”
“Tulungan. At nakatulong din siguro dahil taga-military ako. PMA graduate. Kaya nagamit ko sa sitwasyon na ito ang lahat na napag-aralan ko sa academy at sa actual action noong naging tenyente ako at na-assign sa kagubatan ng Mindanao.”
Lalo nang humanga si Miley, inalok ang kamay kay Lorenz. “Pwede bang makamayan ka? Congratulations, Lorenz. Naisahan mo ang mga undead, lalo na si Reyna Coreana na may kapangyarihan pa naman.”
“Alam kong may power ang reyna ng mga undead. Pero alam ko rin na hindi sa lahat nang bagay at pagkakataon, gumagana ‘yon. Hindi siya manghuhula. Marami siyang hindi nahuhulaan. Maraming bagay na hindi naman napi-pick up ng kanyang mala-computer na utak.” Nagpaliwanag naman ang binatang magiting.
At si Blizzard ay umungol, malakas. Nakatingin kay Lorenz, parang mangangagat.
Maagap si Miley. “Shhh, Blizzard. Kakampi sina Lorenz. Kapag nagsimula ka ng away, magagalit ako sa ‘yo, promise.”
Nanahimik na lang ang taong aso. At lumayo pa kay Miley. Na hindi naman napansin ni Miley dahil ganado itong makipagkuwentuhan kay Lorenz.
Pati nga sina Doktor Larry at Doktora Joanne, nakatanga sa pagbibida ni Lorenz.
“Para siyang super hero, Darling. Si Superman, my favorite!” Tagahangang-tagahanga ang muling nabuhay na doktora.
Naaliw naman si Lorenz. “Salamat ho. Bakit nga ho pala parang napakainosente niya, Doktor Larry?”
“Nanggaling kasi siya sa isang napakabigat na medical case. She is my wife, Lorenz, also a doctor. Namatay siya dahil sa kalupitan ni Doktora Coreana. Himalang nabuhay ko siyang muli dahil bukod sa isa akong surgeon, ako ay isa ring herbalist na nag-train sa China. Suwerte lang na nakita ko rito sa isla ang isang uri ng tanim na kapag nainom ng isang kababago lang namatay ay muli siyang mabubuhay.”
“Wow, really? Tingnan mo nga naman, wala kaming alam diyan. Iba na talaga ang may manggagamot sa grupo. Doktor Larry, ikaw na sana bahala sa amin kapag nagkasakit kami.”
Biglang panic na nagsisisigaw si Miley. “Si Blizzard? Nasaan si Blizzaaaard?”
Itutuloy
- Latest