Dear Vanezza,
Nagkaroon ako ng relasyon sa sarili kong bayaw. Naging lihim ito sa loob ng dalawang taon hanggang sa malaman ito ng aking ate na asawa niya. Dahil dito nagpakamatay ang aking kapatid. Sinusumbatan tuloy ako ng aking konsensiya dahil sa nangyari. Mahal ko ang aking bayaw at mahal din niya ako. Hindi niya kasi totoong mahal ang ate ko at siya pinikot lang kaya napilitang magpakasal. Ang totoo, ako ang una niyang niligawan noon. Kaso hindi ko siya sinagot dahil tinukso siya ng aking kapatid. Magkagayunman, hindi ma-take ng konsensiya ko ang nangyari. Nakipag-break na rin ako sa bayaw ko at tinanggap naman niya ang paghihiwalay namin dahil may sumbat din sa kanyang budhi. Anong gagawin ko para lumuwag ang aking dibdib? - Ceelin
Dear Ceelin,
Nangyari na ang hindi dapat mangyari at hindi na maibabalik ang nakaraan para baguhin. Nagkamali man ang ate mo sa pagpikot sa iyong manliligaw, mali pa rin na pagtaksilan n’yo siya. Tanggapin mo na lang ang consequence ng iyong nagawang kasalanan, magsisi ka at hingin ang kapatawaran ng Diyos.
Sumasaiyo,
Vanezza