Malinis na pagbalat ng nilagang itlog

Napag-usapan na natin kung paano malalaman ‘pag bulok o fresh pa ba ang itlog. Natalakay na rin natin ang pinakamadaling paraan sa pagtanggal ng eggshell na nahalo sa babatihing itlog. May isa pa akong tip na nais ibahagi na may kinalaman uli sa “baby ng manok”. Ito naman ay kung paano ang maayos na pagtanggal ng balat sa boiled eggs.

Hindi ba’t nakakainis kumain ng nilagang itlog lalo na ‘pag nagbabalat ka ay halos mangalahati na ito dahil dumidikit sa eggshell ang “laman”? Siyempre nakakahiya rin ihain sa mga bisita ang binalatang itlog kung para itong “mukha” ng buwan na butas-butas. Sira ang lugaw party. Ha ha ha.

Pero ‘wag nang mag-alala, sa isang eksperi­mento ng mga taga-Serious Eats ay napatunayan na may kinalaman ang temperatura ng tubig sa pagsisimula ng pagpapakulo ng itlog.

Bago ilagay ang itlog na ilalaga ay magpakulo muna ng tubig sa kaldero. Mas malaki ang tsansa na makuha ang magandang resulta sa paggawa nito kaysa sa nakaugalian na natin. Sa nakasanayan kasi, lalo na rito sa bahay inilalagay namin ng sabay ang itlog sa kalderong may tubig at saka pa­ku­kuluan. Minsan ay nagreresulta ito ng “pagputok” o pag-crack ng itlog kay may mga egg whites na sumisirit.

Lutuin ang itlog ng 11 minutes kung gusto n’yo ng lutung-lutong nilagang itlog. Kung soft-boiled egg naman ay lutuin lang ito ng 6 minutes. Pagkahango ay palamigin ang itlog sa malamig na tubig at saka balatan habang pinadadaanan sa tubig sa gripo.

Presto! Mai-enjoy n’yo na nang buong-buo ang inyong nilagang itlog. Makinis na makinis at hindi parang nginatngat ng daga. Ha ha ha. Walang masasayang at hindi pangit tingnan at kainin! Burp!

Reference: www.lifehacker.com.

Show comments