‘Wag ibenta ang sarili

Dear Vanezza,

Ako po’y 35 anyos at batang nabiyuda. Ang asawa ko ay isang construction worker na namatay sa aksidente. Naiwan niya sa akin ang aming tatlong anak. Isa lamang akong beautician at manikurista at kapos na kapos ang kinikita ko para maitaguyod sila. May isang matandang lalaking customer ko sa manicure. Thirty years ang tanda niya sa akin at isa rin siyang biyudo. Sabi niya ay gusto niya ako pero ang gusto lang niya ay magdi-date kami paminsan-minsan at siya raw ang bahala sa aking mga anak. Sabi niya bibigyan niya ako ng sustentong P20,000 bawat buwan. Malaking bagay ito para sa pamilya ko. Pero para ko na ring ibinenta ang sarili ko. Tulungan mo sana akong magpasya.

Dear Aryan,

‘Wag kang patukso sa mga alok niya. Marahil ay batid niya ang pangangailangan mo sa salapi kaya ka niya sinisilaw ng kanyang mga pangako. Obvious naman na ang gusto lang niya ay makuha ka at matikman. Magsikap ka na lang sa kasalukuyan mong trabaho. Maliit man ang kinikita mo ay marangal naman. Sabi nga, ang karangalan ay higit pa sa kayamanan. Dahil sa iyong pagsisikap, naniniwala akong pagpapalain ka ng Poong Maykapal.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments