GRABE ang naging ganti at parusa ni Reyna Coreana sa mga bihag niyang tao—sina Doctor Larry, Doctora Joanne na muling nabuhay matapos maging bangkay for several minutes, at kina Miley at Blizzard.
Ang huli ay naging taong aso.
Ikinulong ng reyna sa higanteng hawla ng ibon ang mga mortal!
“Oh my God...” nasambit ni Doc Larry, bagsak sa panlulumo ang balikat, nawala ang kakisigan.
Ang higanteng hawla ay mistulang kulungang puro rehas na bakal, napakalabong makatakas ang sinumang nakapiit.
“Paano na ngayon, ha, mga taong mayayabang? What now?” Nanlilibak ang tono ni Reyna Coreana.
Isa siyang saktong kopya sa anyo ng orihinal na si Miley.
Kung gayo’y masasabi ng sinumang observer na there is indeed such a thing as exact duplicate of the original.
“Laruan ko lang kayo dito sa akin Isla! ‘Yon lang ang hamak ninyong papel sa buhay ko!
“Dito na kayo tatanda at mangangamatay!”
Si Miley ay wala na yatang pakialam sa kanyang buhay. Hindi pa rin nakaka-recover sa shock. Dahil si Blizzard ay naging aso na ang mukha ay si Blizzard pa rin.
At siya naman ay nagkaroon ng duplicate, ang dating si Reyna Coreana. Kung sobra ang galit niya sa reynang naging kamukha niya, grabe rin ang galit niya sa surgeon doctor na nangahas kopyahin ang buo niyang mukha at katawan.
“Sige, kayong tatlo, kung ayaw ninyong maging Blizzard na asong-tao, ngayon din ay maghanap kayo ng mga kahoy sa gubat. Na puwede kong ipagawang bahay. Isang napakagandang tao na ako ngayon kaya kailangan ko na ng bahay. Kumilos na kayo kundi ay uutusan ko ang aking mga tauhan na pagputul-putulin na kayo.”
Alang-alang sa mga anak nilang nasa Maynila, agad namang natakot si Doktor Larry. “Tena kayo sa gubat. Gawin na natin ang utos ni Reyna Miley.”
“Doktor! Huwag na huwag ninyong matawag na Reyna Miley ang pekeng ‘yan! Napakawalanghiya ninyong doctor, kapritsong masama ng isang masamang tao pinagbigyan ninyo!” Sumbat ni Miley sa seruhano.
“Patawad, Miley. Ayoko lang naman kasing mamatay kami ni Joanne. Paano na ang mga anak namin sa Maynila? Please, sumunod na tayo sa reyna, mas mabagsik siya ngayon.” Maluha-luha namang nakiusap ang serohano. Itutuloy