Sana trip din niya ako
Dear Vanezza,
Tawagin na lamang po ninyo akong Beth, 17. Ang problema ko po ay ang aking crush sa nakalipas na dalawang taon. Siya si John. Nasa high school pa lang ako at siya ay first year college nang magkaroon ako ng matinding crush sa kanya. Isa lang ang pinapasukan namin school. Nang grumadweyt ako sa high school, dito rin sa paaralang ito ako pumasok kaya schoolmates na naman kami.
Malimit akong tumambay sa dinaraanan niya at palagi naman tamang-tamang nahuhuli niya akong nakatitig sa kanya. Ngumingiti naman siya sa akin at binabati ng “hi”. Ang sabi po ng aking mga friends, baka mayroon din po siyang crush sa akin. Isang kaibigan ko na kakilala rin niya ang nagsabi na interesado si John na magkakilala kami ng husto. Minsan inaabangan niya ako sa paglabas ko ng school at nag-uusap kami. Sabi niya gusto niya akong ihatid sa bahay pero ayoko po. Mayroong mga party sa paaralan na nagkikita kami at nagsasayaw. Hanggang biglang nawala na lang siya.
Balita ko, lumipat na ang pamilya niya sa Maynila. Lungkot na lungkot ako at miss na miss ko na siya. Gustung-gusto ko po siyang kontakin kung may contact number niya lang ako. Gusto ko lang naman siyang kumustahin. Ayaw kong mawala ang aming komunikasyon. Ano po sa tingin ninyo, puwede po bang ako ang unang kumontak sa kanya?
Dear Beth,
Wala namang masama o labag sa kabutihang asal kung kumontak ka sa crush mo para kumustahin siya. Sa pamamagitan ng inyong mga kaibigan na mayroon siyang komunikasyon, pwede mong ipaabot ang pangangamusta mo sa kanya at kung talagang interesado siya sa iyo, siya ang gagawa ng unang hakbang. Mahirap umasang may katugma siyang damdamin para sa’yo dahil noong panahong iisa lang ang pinapasukan ninyong paaralan, hindi niya nagawang sabihin sa iyo kung mayroon siyang pagtingin sa’yo. Pero kung nahihiya naman siyang magsabi kaagad ng damdamin, kung magkakaron man ulit kayo ng komunikasyon, baka matupad na ang inaasam mo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest