Isang jeepney ang pumasok sa isang one way street...Prrrt, huli!
Pulis: “Lisensya mo. ‘Di mo ba nakita nakapaskel?”
Driver: “Nakita Sir, kayo po ang ‘di ko nakita.”
Balik Edsa ang Highway Patrol Group simula bukas.
Dagdag puwersa upang sugpuin ang mala susong daloy ng trapiko, malalagim na aksidente, mga astig na bus driver na humihinto kahit saan at mga pedestrians na may sariling batas sa lansangan. Mga dahilan ng inis, inip, at init ng ulo na minsan ay nauuwi sa walang katuturang trahedya dahil sa road rage.
Magandang plano. Cheers sa mga nagsulong nito. Ngunit marami sa ating mga kababayan ay kibit balikat sa balitang ito:
Tatagal kaya ulit ito? - Hanggang maibalik ang katinuan at kaayusan sa mga kukote at kalsada? Lumang tugtugin na yan. Unti-unti ring maglalaho yan katulad ng siklab ng kogon kapag humupa na ang daing at dagundong ng galit ng publiko. At isa pa, magiging pugad lang yan ng mas talamak at garapalang lagayan at kotongan.
Masakit sa tainga. Subalit minsan ay may pinaghuhugutan ang ganitong mga kaisipan. Tila nawalan na ng kompyansa ang mamamayan sa mga taga-pagpatupad ng batas.
Ningas Cogon ay salitang Kastila na nagpapahiwatig ng isang kaugaliang ‘di kanais-nais. Ito ang pagsisimula ng may kasigasigan ngunit panandalian lamang. Ang kogon ay mabilis magningas at magliyab at mabilis ding napaparam. Banderang kapos ang bansag sa larangan ng karera ng mga kabayo.
Tunghayan naman natin si Mayor Mack A. Sarile. Sa matatamis na pangako at engrandeng kampanya - nakamit ang tagumpay. Mabuhay ang bagong ama ng bayan! Tugtugan dito, kuwitis duon at chibugan sa mga eskinita.
Arangkada agad ang Alkalde. Proyekto kaliwa’t kanan. Yakap, ngiti, at lingap sa mga maralita. Daming pogi points. Mabango. Ngunit ‘di pa nagtatagal, pansariling kapakanan na ang inatupag. Bokya at dismayado na naman ang madlang pipol.
As usual, ika nga.
Tinuran ng isang writer, “It is not how you start, but how you finish.” Madaling magsimula, mahirap magtapos.
Nasulat sa Biblia sa Lucas 14: 28,29 na kung tayo ay magtatayo ng isang gusali, dapat siguruhin na may sapat na pondo upang hindi tayo libakin ng mga nasa paligid kung ito ay maiiwanan nating ‘di tapos at nakatiwangwang.
Pagtatawanan tayo ng mga tao sa paligid.
Anong aral ang ating mapupulot sa talakayan? Kung may adhikain kang matuwid at maganda - simulan mo ito at ipagpatuloy hanggang maabot ang tagumpay sa kabila ng anumang balakid sa iyong daraanan.
Maaring kailangan mong magpatawad ng lubos, o lumayo ng tuluyan sa masamang barkadahan o bisyo, magbayad ng utang hanggang sa huling sentimo, o makipag-ayos sa iyong pamilya o ang magbalik loob sa Panginoon.
Ayon pa rin sa Banal na kasulatan sa Hebreo 12:2 - Si Hesus ang “Author and Finisher of our Faith”. Binuno niya ang parusa at pait sa Kalbaryo upang maganap niya ang ating katubusan sa kasalanan at pag-asa sa buhay na walang hanggan. Kanyang binigkas sa krus “It is Finished.”
Dalangin natin na bawat programa ng ating pamahalaan ay maisakatuparan ng lubos sa ikauunlad ng ating minumutyang Pilipinas.
Siya Nawa.