Totoo ang kasabihan na ang lahat ng bagay na sobra ay masama at hindi ito nagbibigay ng magandang epekto, bagkus ay magdadala pa ito sa kapahamangakan sa isang indibiduwal.
Ganito rin ang epekto sa usaping sexual o pagkahilig sa pakikipagtalik ng isang tao.
Kailan ba nagiging masama ang sexual arousal o “libog” ng isang tao?
Ang sagot ng eksperto sa ganitong tanong ay kapag sobra at wala na sa lugar ang pagkahilig sa sex. Kapag hindi na ito normal, matatawag na itong isang Paraphilic Disorder.
Ang Paraphilic Disorder ay isang paraphilia o sobrang pagkahilig sa sex na maaring magdulot ng distress o impairment sa isang indibiduwal.
Isa rin itong paraphilia kung saan ang sexual satisfaction ng isang tao ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa kaniyang sarili o sa ibang tao. Ang paraphilia ay ang matinding sexual interest. May sampung (10) klase ng Paraphilic Disorders. Dalawa sa mga ito ay ang Voyeuristic at Exhibitionistic Disorders. Ang Voyeuristic Disorder ay puwedeng maihalintulad sa “pamboboso.”
Nagkakaroon ng matinding sexual arousal ang isang taong na may ganitong klase ng disorder habang pinapanood o sinisilip niya ang isang taong nakahubad o ang dalawang taong nagtatalik. Madalas ang mga ito sa mga dormitories, apartments, o kahit sa ating tahanan. Kung anim na buwan o higit pa itong ginagawa ng isang tao ay masasabing ito ay may Voyeuristic Disorder.
Ang Exhibitionistic Disorder naman ay ang pagpapakita o paglalantad ng ari ng isang tao sa ibang tao. Dito ay nagkakaroon siya ng sexual arousal at fantasies sa tuwing naipapakita niya ang kaniyang ari sa bata o matanda-depende sa kung kanino niya gustong ipakita. Madalas ma-encounter ito sa mga kalalakihan. Gaya ng Voyeuristic Disorder, matatawag ding mayroong Exhibitionistic Disorder ang isang tao kung may anim na buwan o higit pa niyang ginagawa ito. Ang ganitong disorder na personalidad ay kailangan po ng professional counseling.