‘Namamahay’

May mga taong nahihirapang malayo sa sariling pamamahay kahit isang araw man lang. Sa kadahila­nang hindi raw sila makatulog o hirap sa paggamit ng palikuran. Kaya sila ay hindi makadalo sa mga lakad katulad ng mga church retreats, bakasyon ng pamilya, o mga business trips na nangangaila­ngang lumayo ng ilang araw.

Sinasabi nating sila ay namamahay. Payapa at panatag sila sa loob ng sariling tahanan na kinasanayan sa pang araw-araw na pamumuhay.

Katulad ng mga tarsier sa Bohol, Samar, Leyte, at ilang bahagi sa Mindanao, ang kanilang kalusugan o buhay ay nalalagay sa panganib kapag inialis mula sa kanilang likas na kapaligiran.

Sa katunayan, aking nabasa na ang mga tarsier na hinuhuli at ikinukulong na dinadayo naman ng mga turista ay mise­rable at ‘di tumatagal ang buhay. Kapag hindi napagtuunan ng pansin ang ganitong sitwasyon, sa kalaunan, baka mapabilang na sila sa mga extinct species.

May aral tayong mapupulot sa usaping tinatalakay:

Sa ating buhay, mahalaga na matutunan nating piliin ang tamang daigdig na ating ginagalawan. Dapat tayong masanay sa mga alituntunin at mabubuting kaugalian na makatutulong sa ating maayos na kinabukasan. Nararapat ito upang hindi tayo basta-basta mahila at tumungo sa daang baluktot. Kung saan tayo nasanay, kadalasan duon tayo nananatili kahit sa ating pagtanda.

Ihambing ang mga bata nuong unang panahon at ngayon. Hindi ba napakalayo na ng agwat ng pagkakaiba? Mababakas pa rin natin ang mga natatanging ugali ng mga nakatatanda sa ating paligid na hinubog sa mas mabubuting pamantayan ng sila ay mga batang paslit pa lamang.

Ang hamon ay napakapayak. Dumistansya sa mga taong nagdudulot ng masamang impluwensya at dumikit sa mga kaibigang matuwid ang lakad.

Tinuran nga ng isang bantog na bayani, “Tell me who your friends are, and I will tell you who you are.”

Sanaying gumalang sa magulang. Matutong makinig sa kanilang mga payo.

Huwag pabayaan ang pagdalo sa simbahan. Bigyan ng panahon ang pagbabasa ng Biblia. Palagiang magsabi ng katotohanan at iwasan ang pagsisinungaling.

Mahalin ang ating asawa at mag-ingat sa tukso ng laman na dulot ng bawal na pag-ibig. Lingapin ang kapwa at labanan ang pagi­ging makasarili.

Mula sa Banal na Aklat ay mababasa ang malungkot na kasaysayan ng alibughang anak (Lucas 15:11-24).

Iniwan niya ang proteksyon ng kanyang Ama at tahanan sa pag-aakalang mas okay makihalubilo sa kanyang mga pasaway na barkada. ‘Di naglaon, ng wala nang mahuthot sa kanya, ay iniwan siyang nag-iisa at nakasadlak sa kawalan ng pag-asa. Nang naisipan niyang bumalik, malugod siyang niyakap at pinatawad ng kanyang Ama.

Napakagandang la­rawan ng Amang nasa langit. Bagamat tayo ay lumayo at patungo sa kapahamakan, hinanap Niya tayo sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang Anak na si Hesus na tumubos ng ating mga kasalanan sa krus ng Kalbaryo.

Mamuhay tayo at mamahay sa mga bagay na matuwid at mabuti. At maging asiwa at huwag mapanatag sa mga bagay na lihis at masama.

Siya Nawa.

Show comments