Tsismosong officemate

Dear Vanezza,

May ka-officemate po ako na sobrang tsismoso at inggitero. Lahat ng tao sa department namin ay may kuwento siya. Isa ako sa biktima ng makati niyang dila. Bawat kilos namin sa opisina ay binabantayan niya. Hindi ata kumpleto ang araw niya kung wala siyang taong pagpipiyestahang itsismis. Parang hindi siya masaya kung may umaasenso na kasamahan niya. Bakit kaya may mga ganitong klase ng tao? - Yuri

Dear Yuri,

Likas sa mga taong insecure sa buhay ang manira ng kapwa. Ang pagkakalat ng tsismis ang tila nagpapasaya sa kanila at nagpapakumpleto ng kanilang pagkatao. Sila ang mga taong puno ng kapintasan sa sarili at kinaiinggitan ang mga taong maganda ang nararating sa buhay. Inggit sa kapwa ang kadalasan nagbubunsod sa isang tao para ma-insecure. Dagdagan mo pa ang iyong pasensiya at bigyan siya ng pagkakataon na magbago. Maaaring may mabigat din itong problema sa buhay at dinadaan na lang sa tsismis ang pagresolba sa sariling suliranin. Habang may nakikinig kasi sa taong ‘yan ay magpapatuloy ang kanyang gawa. Subukan mo rin siyang kausapin at sabihan na tigilan na ang masama niyang asal. Kung sa kabila nito ay magpapatuloy pa rin siya ay puwede ni’yo itong ilapit sa inyong boss upang mapayuhan siya dahil marami na siyang napeperwisyong tao. 

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments