KLARO at malakas ang sigaw ni Duktor Larry sa mga Undead. “MAGPAKULO SA KAWA NG MARAMING TUBIG!”
Naguguluhang nagtanong sa husband si Duktora Joanne. “Larry, ano’ng purpose mo?”
Nagbubulungan ang mag-asawang plastic surgeons, takot na merong isang Undead na makarinig sa kanila.
“Joanne, walang kamatayan ang mga Undead, di ba?
“Pero posibleng sa gagawin kong pagpapakulo sa kanya sa kawa, lalambot din ang napakakunat niyang balat...
“Therefore, if it will happen, maaari ko na siyang operahan nang tuluy--tuloy-- walang sagabal.”
Tumangu-tango ang duktora. “Gets ko na, Larry! Tama ang naisip mo, mahal! Saludo ako!”
Muling nag-utos sa mga Undead si Dok Larry. “Dahan-dahang ibaba sa kawa si Reyna Coreana!
“Ilubog ang buong katawan at ulo niya sa tubig, habang hindi pa kumukulo! Hindi pa kayo mapapaso—don’t worry!”
Nagtataglay ng pusong makatao sina Duktor Larry at Duktora Jaonne. Kahit ang nakaririmarim na mga Undead ay tinatratong makatao.
SAMANTALA, sa di-kalayuan sa kawa, sina Miley at Blizzard ay parehong nakatali ng mga kadena.
Bantay-sarado ang mga ito ng matitinik na Undead.
Gayunma’y walang busal ang kanilang mga bibig.
Nakipag-communicate sa dalawang surgeons si Miley, halos bulong. “Sir, ma’am, we are normal human-beings like you po... baka po dapat magtulungan tayong makatakas sa islang ito.”
Parang kinurot agad ang puso ng mag-asawang surgeons, sa habag sa dalawang kapwa-tao.
Napapailing ang butihing duktor. “The question is—kung paano tayo tatakas mula rito. Napaliligiran tayo ng dagat.” (Itutuloy)