Dear Vanezza,
Tatlo na po ang mga anak ko, pero lahat ay puro panganay sa tatlo ring iba-ibang babae. Suportado ko naman lahat ng anak ko kaya hirap rin ako financially kahit maganda ang trabaho ko. Sa totoo lang wala pa sa plano ko ang mag-asawa noon dahil gusto ko munang magsawa sa pagkabinata. Pero ngayong 41 years old na po ako, at hindi na ko bumabata, gusto ko nang magbagong buhay at mag-settle down. Kaso ang kinakasama ko ngayon ay masyadong bata sa akin dahil 20 years ang tanda ko sa kanya, kung saan may isang taon kaming baby girl. Mahal ko siya pero hindi ko makita sa kanya ang katangiang hinahanap ko sa isang babae dahil siguro bata pa siya kaya hindi pa mature sa buhay. Ang nakakalito pa, muli ko nakita ang una kong GF na siyang kababata ko rin sa aming probinsiya sa Mindoro nang magbakasyon ako dun. May isa na siyang anak, pero hindi sila nagkatuluyan ng nakabuntis sa kanya. Bumalik na ko sa Manila, pero tuloy pa rin ang communiction namin sa FB. Tanggap niya ang sitwasyon ko sa buhay at nabuhay muli ang pagtingin namin sa isa’t isa. Gusto kong umuwi sa probinsiya at dun magsimula ng pamilya, pero naaawa naman ako sa kinakasama ko ngayon, pero hindi na ko masaya sa kanya. Pahuyan n’yo po ako Mr. Complicated.
Dear Mr. Complicated,
Wala naman akong makitang complicated dahil hindi ka pa kasal sa kinakasama mo, pero niloloko mo kinakasama mo ngayon at pati na rin ang iyong sarili. Magdesisyon ka at panindigan ito. Magtapat ka sa kinakasama mo at sabihin ang nararamdaman at plano mo sa buhay. Huwag mo nang patagalin dahil tulad ng sinabi mo hindi ka na bumabata. Sana ay tuluyan ka ng magbagong buhay at magkaroon ng maayos na pamilya sa gagawin mong desisyon ngayon.
Sumasaiyo,
Vanezza