May forever sa pulot o honey!
Walang forever. ‘Yan ang katagang usung-uso ngayon lalo na sa mga kabataan. Minsan katuwaan din ito ng mga single at bitter dahil hiniwalayan ng kanilang mga dyowa. Pero kung sinasabi ng iba na walang forever sa pag-ibig, sa pagkain kaya ay wala rin?
Naranasan mo na bang mapanisan ng ulam? Mabilis mapanis ang mga pagkain lalo na ang mga ulam na may sahog na kamatis tulad ng sinigang, pinakbet, at marami pang iba. Maging ang mga pagkain na may gatas na halo tulad ng carbonara, chicken pastel, at maging mga tinapay ay madaling masira. Kahit nga kanin ay napapanis lalo na kapag mainit ang panahon at hindi maayos ang pagkakatago. Maging ang mga de lata na taon ang shelf lives ay nag-i-expire rin! So, ang tanong may forever ba sa pagkain?
Puwes, ang sagot ay oo! Sa maniwala kayo’t sa hindi, may isang pagkain na hindi nabubulok o napapanis kung maayos ang pagkakatago nito. At ito ang “mahiwagang” pulot o honey. Oo, honey nga!
Ang “pinakamatandang” honey na nahukay mula sa Georgia ay pinaniniwalaang gawa ng mga bubuyog may 5,500 taon na ang nakararaan. Grabe ‘di ba? Parang mummified na katawan lang ng tao. Ito ay mas matanda pa ng 2,000 taon kumpara sa honey na natagpuan sa libingan ng Egyptian Pharaoh na si Tutankhamen sa Ehipto.
Ayon kay Herodotus, inililibing ng mga Babylonian ang kanilang mga yumao sa honey. At malamang na ang mga labi ni Alexander the Great ay inembalsamo sa kabaong na puno ng honey.
Oh, hindi lang pala pang-diet or detox na siyang kinahuhumalingan ng karamihan ngayon ang gamit ng honey. Dahil bukod sa magandang pang-iwas ito sa maraming sakit at pang-unang lunas sa mga sugat, ipinang-iembalsamo rin pala ito!
Pero ano nga ba ang lihim kung bakit nagtatagal ang “buhay” ng pulot? Ang honey ay isang uri ng sugar na hygroscopic, na ang ibig sabihin ay walang masyadong tubig sa kanilang natural state. At dahil nga walang masyadong moisture, kakaunting bacteria at microorganisms ang nabubuhay sa ganitong kundisyon. Kaya kung walang masyadong organism ang mabubuhay sa honey, mababa rin ang tsansa na mapanis ito.
Isa pang kaibahan ng honey sa ibang sugar ay ang acidity nito. Ang pH ng pulot ay naglalaro sa 3.26-4.48, kung saan nakakapatay ng bacteria at microorganisms na gustong manirahan dito. Pero siyempre ang tamang pagtago rin nito sa isang selyadong lalagyan at tuyong lugar ang makapagpapatagal ng buhay ng honey.
Ang galing ‘di ba? Hindi mo maiisip na may pagkain palang hindi nabubulok. Pero buti pa ang honey may forever.
Ha ha ha. Burp!
- Latest