SAKOP na ng napakatinding hilakbot ang mag-asawang plastic surgeons—sina Larry at Joanne.
Napilitan silang lumulan sa karuwaheng nakakabit sa kabayong may pakpak. Nakikita na nila ang napakapangit na anyo ng dumudukot sa kanila.
Si Joanne ay para nang mawiwiwi sa takot, nais na ring himatayin.
Si Larry naman, biglang sumakit ang tiyan, parang hindi titigil sa paghilab. Pinawisan siya nang malapot.
Samantala’y napansin sila ng mga taong nagdaraan, pati na mga nakasakay sa pampasaherong dyipni.
Buong akala ng mga ito, ang mga nasa karuwahe ay mga artista sa pelikula, na may eksenang sinu-shooting.
Bago pa man nakalipad ang karuwahe ay kay-dami nang mga nag-uusyoso.
Hindi sila natatakot sa anyo at itsura ng mga Undead, tinatawanan lang ang mga ito.
Napakagaling daw naman ng production designer, kapanipaniwala ang mga karakter pati na ang mga props.
“Teka-teka, bakit walang director?” tanong ng isang teener na cute, minsan nang nakasali sa isang pelikula bilang extra.
Pero bago pa nasagot ang tanong na iyon, nakalipad na ang karuwahe, pumailanglang na sa himpapawid!
Noon na natakot nang husto ang mga nag-uusyoso; alam na tutoo na ang nagaganap, hindi eksena sa pelikula!
“Oh my God!”
“Totohanan na ‘to! Talagang nangyayari!”
Nagkuhanan ng mga larawan ng karuwahe sa himpapawid ang mga nasa lupang mga usyoso!
Ilang foreign correspondents na nasa Manila ang nakasaksi sa mala-milagrong pangyayaring iyon.
Kinunan nila ng napakaraming footages ang awesome happening.
Napa-Sign of the Cross ang isang matanda.
(Itutuloy)