Kabibili mo pa lang sa palengke ng kamatis pero nabulok agad ito ilang araw lang ang nakalilipas. Maraming dahilan ng mabilis na pagkasira at pagkabulok ng ating mga prutas at gulay. At siyempre ang mga ganitong pangyayari’y nagdudulot ng pagkasayang sa pera na ating kinikita.
Isa na sa mga salarin sa mabilis na pagkabulok ang temperatura at kung paano natin itabi ang prutas at gulay. Hindi isang bangungot ang mabulukan ng kamatis dahil normal ito. Pero may solusyon para sa mas matagal na shelf life ng isa sa mga paboritong panahog sa mga lutuin at masarap na kapares ng itlog na maalat at pritong isda o karne.
Narito ang tamang pag-store ng kamatis para sa mas matagal na buhay nito: Pabaligtad na ilagay ang kamatis, para ang pinagtanggalan ng tangkay ang siyang nakapailalim sa lalagyan. Siguruhin ding tuyo ang inyong paglalagyan na container. Sa paraang ito, maiiwasang makapasok ang hangin at makalabas ang moisture mula sa “sugat” (pinagtanggalan ng tangkay) ng kamatis.
Ang paglalagay din ng kamatis sa refrigerator ay mas makapagpapabilis ng pagkalanta nito.
Mas mapapahaba ang shelf life ng kamatis kung sa room temperature lang nakalagay at kung susundin ang nasabing paraan ng pagtatabi nito. Burp!