KINILABUTAN nang husto si Miley sa estado ni Blizzard. Tingin niya’y hindi na humihinga ang binatang kasintahan.
“Eeeee! Patay na si Blizzard!” humahagulol na tili ni Miley.
Napaigtad pati si Reyna Coreana. Wala sa kanyang agenda na matigok na ang binatang dayo sa Undead Island.
Siniyasat agad ito nang husto ng reyna, dinama ang pulso, pinakinggan ang hininga ni Blizzard.
Walang tigil ang hagulhol ni Miley. Hindi niya matanggap na hindi sila sabay na namatay ng binata. “Hu-u-hu-hu-huuu.”
Hindi niya ma-imagine na mag-isang maglalakbay sa super-dilim na kalawakan ang kaluluwa ni Blizzard.
“Gaga!” inis na singhal kay Miley ng reyna. “Buhay na buhay pa ‘tong syota mo!”
Natigilan si Miley. Nagsasabi ba nang tutoo ang reyna ng Undead?
Binatukan nang malakas ni Reyna Coreana ang nakapikit pa ring binatang bihag. PUG-PUGG.
Inubo si Blizzard, nagbukas ng mga mata.
Buhay na buhay pa nga ito. Kahit sariwa pa ang duguang sugat sa nguso.”Uuunnn... uuuunnn... “
“Blizzard! Oh my God! Buhay ka! Buhay kaa!” Kundi lang siya nakagapos sa kama, tiyak na nayakap na ni Miley ang binatang lover.
“I love you, Blizz! Hold on! Kakampi natin ang Diyos!” Basa na naman ng luha ang mga mata ng dalaga.
“Miley, I always love you... at tama ka, hindi tayo kailanman pababayaan ni Lord.”
Nabuhay na naman ang inis ng reyna sa mga tao. “Mayayabang talaga kayo! Lagi ninyong iniisip na ang Diyos ay para sa inyo lamang!
“Exclusive lamang sa inyo! E paano ang mga hayop—mga aso at pusa, mga paruparo at kulisap, mga leon at tigre at mga unggoy?
“Wala na ba silang halaga sa Diyos n’yo?”
Walang nakapang salag ang magkasintahan.
ITINULOY ng reyna ang planong pagandahin ang sarili. (Itutuloy)