Island of the undead 23
NAG-ISIP sandali ang reyna ng mga undead. Tinimbang ang sinabi ni Miley. Maramot ito sa kanilang mga supplies. Ang mga tauhan nga niya ay kanyang pinagdadamutan.
Hindi sa lahat nang araw ay pinapatikim niya ang mga ito ng mga pagkain at tubig mula sa kabihasnan.
“Mabuti pa, kumain kayo ng native food ng mga tauhan ko. Pag-aralan ninyo. Minsan lang sa isang linggo ko kayo puwedeng bigyan ng mga galing diyan sa espesyal kong bodega.”
“Ano naman ho ang pagkain na native ng mga tauhan ninyo?” Hindi pa man sumagot ang reyna ay diring-diri na si Blizzard.
May dumaan na mga malalaking tuko sa tabi nila. Itinuro ng reyna ang mga ito. “Sagana kami ng mga matatabang ganyang insekto. Manghuli kayo. Libre namang manghuli ng makakain dito. Puwede rin kayong manghuli ng isda. Kung kaya ninyo. Puwede ninyong kainin ng hilaw o luto.”
Napatanga si Miley. “H-hindi kami kumakain ng mga insekto. At ... hindi kami marunong manghuli ng isda.”
“Problema ninyo ‘yan. Basta may tatlong oras kayong libre sa trabahong pagsisilbi sa akin para makahanap kayo ng mga kakainin ninyo. Don’t worry, may ibibigay din naman ako sa inyo.”
Kahit papaano, natuwa sina Miley at Blizzard. Hinintay nila ang ipinakuha ng reyna sa bantay. Pabulong itong sinabihan ng reyna. Hindi narinig nina Miley. Paglabas ng guwardiya ng bodega, inabot sa reyna ang mga dala.
“Posporo at isang bottled water? Grabe naman!” Gigil na gigil si Blizzard.
Pero si Miley marunong magdala ng sitwasyon. “Mahal na reyna, bakit iyan lang po?”
“Posporo para makagawa kayo ng apoy kapag ginusto ninyong lutuin ang mga nahuli ninyong pagkain. Isang boteng mineral water para hindi kayo mamatay sa pagkauhaw. Ang simula ng tatlong oras na paghahanap ninyo ng pagkain ay ... ngayon na!”
Hindi malaman nina Miley kung paano ang paghuli ng isda. Pero tinungo nila ang dagat. Magbabaka-sakali sila. May mga nakasunod sa kanilang bantay sa utos ng reyna. Talagang hindi sila binibigyan ng pagkakataong tumakas. Itutuloy
- Latest