Aminin mo, isa ka sa maraming Pinoy na mahilig kumain ng ice cream lalo kapag umuulan. Tama ba? Kaya naman kahit tag-ulan na, ang food review natin ngayong linggo ay ang Frosty Toppings ng Wendy’s.
Frosty ang isa sa pambato ng nasabing fast food chain dahil wala sa mga lokal nilang “kalaban” ang may ganitong produkto. Soft-serve ice cream ang karaniwang dessert ng kanilang kalaban, samanatalang ang Frosty ng Wendy’s ay parang pinaghalong chocolate, coffee, at toffee na mabentang-mabenta simula pa nang una nilang ilabas ito sa kanilang menu.
Nitong nakaraang Abril, unang ipinakilala sa publiko ng nasabing fast food chain ang kanilang bagong “creation” na Frosty Toppings. Basically, ito ay frosty na nilagyan ng toppings. May tatlong flavors ito sa kasalukuyan, ang Mango Marble Burst, Salted Caramel Crunch, at Coffee Jelly.
Since hindi ko pa natitikman lahat ng flavors, inuna ko ang sinasabi nilang best-seller na Mango Marble Burst. Hindi ko alam kung talagang nakalagay sa disposable plastic cup ang Frosty Toppings since sa food court ako um-order. Ang naka-advertise kasi sa kanilang mga menu at posters ay parang sa babasagin na baso ito nakalagay. Well, ang advertising nga naman.
Atin nang himay-himayin ang Frosty Toppings. Sa unang subo pa lang ay hindi na ako sigurado sa kombinasyon ng lasa ng frosty at mango-flavored syrup (na ayon sa kanila ay mango puree). Pero habang tumatagal ay nag-iiba ang lasa at parang nakakaadik na ito! May mango bits din na nakahalo at may mala-sago na nakaaaliw kainin.
Surprisingly, ang mala-sago na mango balls ay may laman sa loob! Kaya siguro ito tinawag na mango burst ay dahil pumuputok ang mango balls na may mango-flavored syrup din!
Na-enjoy ko hanggang huling kutsara ang bagong creation nilang ito, at sa susunod ay susubukan ko pa ang dalawa nilang flavors. Siguro medyo ayusin lang nila ang presentation. Kaya ang aking rating, 4 out of 5. Burp!