Dear Vanezza,
Ako si Senyang, 55, at tindera sa palengke. Biyuda na ako pero mayroon akong kinakasamang 23-years old na kargador sa palengke kung saan ako nagtitinda. Marami akong naririnig na hindi magandang bulung-bulungan tungkol sa aming relasyon. Hindi ko sila iniintindi basta ang alam ko, maligaya ako sa piling niya. May mga nagsasabing parang mag-Nanay kami pero inggit lang sila. Pinagpayuhan ako ng aking mga kumare at kaibigan na makipaghiwalay na dahil kinukuwartahan lang daw niya ako. Totoong sunod sa layaw ang bf ko. Kumbaga, nagmukha siyang tao magmula nang maging “Mommy” niya ako dahil nakakapagsuot siya ng magagarang damit, sapatos, at pabango. Sa kabila nito, nagawa pa niya akong lokohin. Noong una ay nababalitaan ko na may nililigawan siyang dalaga na kasing-edad niya at gf na raw niya. Ipinagkaila naman niya ito sa akin nang mag-usap kami. Pero isang araw, nabalitaan kong nasa presinto ang bf ko at nasaksak raw niya ang kuya nung babae. Nahuli silang nagdi-date at pilit na isinasama yung gf niya kaya sinaksak nito yung kuya. Masama ang loob ko dahil napatunayan kong niloloko nga niya ako. Ngayon ay kailangan niya ng pampiyansa pero tinitikis ko siya. Tama ba ang ginagawa ko?
Dear Senyang,
Tama na ‘wag mo siyang piyansahan at kalimutan na. Ikaw na rin ang nakadiskubre ng kanyang panloloko kaya dapat mo nang imulat ang iyong mga mata sa pagbubulag-bulagan. Sa agwat ng inyong edad, mas lamang na pineperahan ka lang niya. Mas maganda kung mag-focus ka na lang sa iyong hanapbuhay para lumago at hindi lang napupunta sa luho ng iyong bf na ginagamit ka lang.
Sumasaiyo,
Vanezza