LABIS na naligalig ang mga mamamayan ng payapang probinsiyang nasa baybayin ng Manila Bay.
Bakit naman sa kanila pa bumagsak ang patay na higanteng gorilya?
Ito ba’y babala na ng nalalapit nang katapusan ng mundo? Ito na ba ang wakas ng maliligayang araw?
Isang turistang Amerikana ang napahagulhol, kita ang takot sa mukha. “Oh my God! I don’t wanna die here! God, please! Hu-hu-hu-huu!”
Nakalatag sa di-kalayuan ang patay nang higanteng gorilya. Masansang ang amoy nito, masahol pa sa nabubulok na isda.
Mula sa mga lungga, naglabasan ang mga daga, daan-daan. Gayundin ang mga ipis, pati na ang napakaraming bangaw at langaw.
BZZZZ. BZZZZZ. Kay-iingay ng mga ito.
Iisa ang pakay ng mga daga, ipis, bangaw at langaw—ang manginain sa nabubulok nang higanteng gorilya.
Ang mga tao ay nagkandaubo, nagkasuka-suka sa nakasusulasok na mabahong amoy.
Nagtakip sila sa ilong ng mga basang panyo at bimpo o face towel; naglagay din ng malalanghap na anumang bagay na mabango, gaya ng ilang-ilang, kampupot at sampagita.
Pero lalong tumitindi ang takot ng mga tao. Alam nilang meron pang dalawang patay na higanteng gorilya. Sa kanila rin ba ito ihahagis ng natitirang halimaw na higante?
Bale ba ay nawalan ng kuryente sa buong lugar. Tinamaan pala ng paa ng patay na gorilya ang pangunahing kawad sa poste.
Bigla’y nawalan sila ng source ng balita sa telebisyon. Pag-asa na lang nila ang mga cellphones at telepono.
Iyon pa naman ang isa sa pinakamaiinit na panahon ng taon. Semana Santa. Holy week.
Pati ang pagbabasa ng pasyon ay nabulabog. Nagtakbuhan sa kanya-kanyang bahay ang mga nagbabasa.
SA KARATIG na lugar ihinagis ng higanteng gorilya ang dalawa pang patay na kalahi. Nayanig ang kalupaan ng Corregidor.
Ang mga turista at mamamayan ay mabaliw-baliw sa takot. (Itutuloy)