HINDI nahulaan ng mga nasa submarine ang gagawin ng higanteng halimaw.
Bago pa nakasisid ang submarino ay nadakma na ito ng natitirang giant. Saka buong lakas na ihinagis sa siyudad.
Bumagsak ito sa mismong gitna ng Roxas Boulevard.
KABLANNGK-KALANNGK.
Hindi lang nayanig ang buong submarine, na-damage pa, nasira ang mga importanteng mekanismo.
Sa mga taong nakakasaksi, isang super-kakaibang tanawin iyon. Hindi araw-araw na merong nakabalandrang submarino sa gitna ng daan!
Nagpiyestang bigla ang mga naroong tao, kanya-kanyang kuha ng larawan sa submarino.
Shaken, nayanig nang husto ang crew ng submarine. Gayunma’y nakalabas, mga hilung-hilo.
Maagap namang nagsidating sa lugar ang pulisya.
WANG-WANG-WANG.
Nakipag-usap ang crew sa mga pulis. Merong pangamba ang submarine crew. “There might be a radiation fall-out! Please alert the people!”
“Please elaborate, sir,” sabi ng lider ng pulisya. “What are the exact things that we must accomplish?”
Dinetalye ng mga Kano. Dapat daw lumayo sa area ang mga tao. Kung puwede raw ay huwag magpapasok ng tao sa loob ng 3-kilometer radius.
Napakamot sa ulo ang lider ng pulisya. Napakahirap daw gawin iyon nang madalian. Tiyak daw mabubulabog ang mga mamamayan.
Posible raw maraming mamamatay sa kaguluhan.
“Then please ask them to do the last solution!” sabi ng mga Kano.
“And what is it, sir?”
“Pray! Pray a lot! Pray! Pray! Pray!”
Iyon mismo ang ginawa ng mga taong nananalig sa Diyos. Nagsipagdasal sila sa bahay at sa simbahan.
Sa tulong ng kaparian at mga madre, binomba nila ng napakaraming dasal ang pinto ng Langit. (ITUTULOY)