Panahon na naman ng summer at naninibago ang ating katawan dulot ng pagbabago ng temperatura ng panahon. Ano nga ba ang panganib sa ating kalusugan dulot ng matinding init ngayong panahon ng summer? Isa sa sakit na pinaka-karaniwan ngayong summer ay ang heat stroke o hyperthermia. Ang heat stroke ang pinakaseryosong epekto sa kalusugan tuwing summer o tag-init. Kung hindi kaya ng katawan na palamigin ang sarili, ang temperatura sa loob ng katawan ay mabilis na tumaas. Ang resulta ng heat stroke na dala nitong init ay puwedeng maging sanhi ng permanenteng pinsala ng mga maseselang organ sa ating katawan.
Paano malalaman kung ang isang tao ay biktima na nito?
Maaaring malaman ang isang biktima sa kanilang mga balat na mainit, tuyo at namumulang kulay. Ang iba pang palatandaan ay ang pagkalito, pagkamali-mali, halusinasyon, pagka-agresibo o pagka-mainitin ng ulo, at kawalan ng pawis. Kung hindi agarang gagamutin ang heat stroke, maaaring humantong ito sa permanenteng pinsala sa katawan o ang pinaka-malala ay pagkawala ng buhay ng taong napinsala nito. Ang magandang balita ay puwedeng maiwasan ito kung susundin ang ilang gabay sa pag-iwas ng pinsala nito.
Sino ang nanganganib sa matinding init?
Walang sinuman ang ligtas dito, ang mga may edad, pati na ang mga musmos na kabataan, ay mas mataas ang panganib sa heat stroke na sanhi ng matinding init. Ang nag-iisa o ang nakaratay sa kama at di kayang alagaan ang sarili ay mas mataas ang panganib sa heat stroke. Ang mga kalagayang pangkalusugan gaya ng di gumagaling na karamdaman, sirang kaisipan, at katabaan ay nakadaragdag din sa panganib. Ganoon din ang mga taong may iniinom na ilang medikasyon o nagdodroga. Dagdag pa rito, ang mga taong naninirahan sa mataas na palapag ng mga gusali na walang hanging pang-palamig ay maaring mapinsala sa lubusang init.