Biyudo umibig muli

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Tomy, 63-years old at isang biyudo. Sabi ko noon, hindi na ako iibig muli dahil hanggang ngayon ay mahal ko pa rin ang aking namayapang asawa. Pero nakilala ko si Carmie nang mag-ninong ako sa kasal. Magkatuwang kami. Mas matanda ako sa kanya ng 10 years. Mabait siya at na­ging textmate kami. Hindi na pala siya umibig mula nang mapikot ang kanyang bf. Nagkapalagayang-loob kami at sa tingin ko, mayroon na kaming mutual understanding. Sinabi ko sa mga anak ko ang tungkol kay Carmie. Wala naman silang tutol. Pero minsan, napanaginipan ko ang namatay kong asawa. Inaway niya ako at sinusumbatang taksil. Nangangamba tuloy ako na baka kapag itinuloy ko ang aking relasyon kay Carmie ay multuhin niya ako. Dapat ko bang ituloy ang relasyon ko sa kanya? - Tomy

Dear Tomy,

Sabi ng Biblia ang patay ay patay na at hindi na raw makakabalik sa daigdig. Marahil ay natakot ka lang sa iyong panaginip dahil nga naipangako mo na hindi ka na iibig muli. Biyudo ka naman at walang hadlang sa pag-aasawa mong muli. Kung sa pakiramdam mo ay mahal mo si Carmie at sa kanya ka liligayang muli ay walang masama kung itutuloy mo ang relasyon sa kanya. Tutal naman ay pabor ang mga anak mo kaya wala kang dapat na ipangamba.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments