Sandaang mumunting halimaw (47)

“TUKK-TUKK-TUKKLAW-LAWW,” Malupit na sunud-sunod na tuklaw ng mumunting halimaw ni Miggy sa mukha ni Paeng.

Hindi na nakaporma ito, bumaligtad nang nangingisay. Bago makaisang minuto ay natapos na ang buhay ni Paeng sa mundo.

Tilian ang mga babaing pinsan ni Miggy, lagim na lagim.

EEEEEE! EEEEEE!

Nakaamba ang ulo ng mga halimaw ni Miggy sa mga pinsan niyang babae. Ang mga ito naman ang tutuklawin sakaling lalapit.

“Miggy, patay na si Paeng... ano’ng ating gagawin?”

NAULIT ang ilang pangyayari. Tumawag sa barangay ng lugar ang mga pinsan ni Miggy. Ang mga tanod ang mag-aasikaso sa bangkay; sila rin ang mag-i-inform sa kaanak ng nasawi.

Pero ang sinasabing lalaking merong mumunting halimaw, si Miggy, ay malayo na doon. Naka-jacket na naman ito ng makapal, nakatago sa katawan ang mga halimaw na nag-uutos sa kanya kung saan pupunta.

Pinapunta ng mumunting halimaw si Miggy sa top floor ng mataas na gusali sa Espanya, di-kalayuan sa kanto ng Lacson Boulevard.

Binuksan ni Miggy ang makapal na jacket, nanungaw ang maliliit na halimaw. Sumagap ng maraming hangin ang mga ito.

Si Miggy ay parang puputok na ang dibdib sa suson-susong trahedya. Ilan pa ba ang mamamatay dahil sa mga halimaw niya?

Naalala niya sina Primo, Max, Brendon at Marko. Kagaya kaya niya ang  mga walanghiyang hunters?  Pinahihirapan din kaya ng  mababagsik na halimaw?

Hindi alam ni Miggy na patay na si Primo. Hindi nakabawi ang buhong na hunter nang maaksidente ang motor na sinasakyan. Kasama nitong nalibing sa hukay ang mumunting halimaw nito.

Itinago na lamang ng mga nag-imbestiga ang tungkol sa napakahiwagang pangyayari para makaiwas sa kontrobersiya.

SAMANTALA’Y nakarating na sa dulo ng Espanya ang mga higanteng gorilya. Ewan kung ang mga ito ay tutuloy na sa Elliptical Circle sa tapat ng Quezon City Hall, o kung  mamamasyal pa sa ibang lugar.

Noon sumilbato nang sunud-sunod mula sa riles ang commuter train. BWUUT. BWUUT. BWUUUT. Napalingon ang mga higante. (ITUTULOY)

Show comments