Dear Vanezza,
Itago n’yo na lang ako sa pangalang Pao. Namomroblema po ako ngayon. Nakipag-blind date po ako kay Lysa pero kinuntsaba ko ang aking kaibigan na siyang humarap. Pero sa kabila nito ay nasasaktan ako dahil mahal ko si Lysa. Nag-aalangan nga lang ako dahil mukhang natitipuhan niya ang kaibigan ko na guwapo, matangkad, maputi at may magandang trabaho bilang call center agent. Ako naman kabaliktaran ng lahat ng katangian niya at isang tambay. Pero bukod sa malaking posibilidad na tuluyang mapunta sa kaibigan ko si Lysa, pinangangambahan ko po na saktan lamang siya ng aking kaibigan dahil sa minsang pag-uusap namin ng kaibigan ko, sinabi niya na balak niyang perahan si Lysa. Mahal ko si Lysa at ayaw ko siyang masaktan. Ayaw ko ring mag-away kami ng kaibigan ko. Ano po ang dapat kong gawin?
Dear Pao,
Mali ang ginawa mo. Nakipag-blind date ka by proxy at ang representative mo ay guwapo. Nagkagusto tuloy ang ka-blind date mo sa kaibigan mo. Ang ginawa mo’y bunga ng kawalang tiwala mo sa iyong sarili. Hindi dahil hindi ka guwapo ay ikahihiya mo na ang iyong sarili. I’m sure may mga katangian kang iba na puwede rin namang hangaan at mahalin. Kalimutan mo na lang si Lysa. Kung nagkagusto man siya sa kaibigan mo dahil magandang lalaki, problema na niya iyon. Anuman ang kahinatnan ng kanilang relasyon ay nasa sa kanila na at hindi mo puwedeng panghimasukan.
Sumasaiyo,
Vanezza