Ito ay karugtong ng paksa kung anu-anong bagay ang dapat mong iwasan kapag ikaw ay galit. Narito pa ang ilan:
Huwag makikipagtalo. Kapag galit ka at patuloy ang iyong pakikipag-usap o pakikipagtalo, maaaring makapagsalita ka ng bagay na puwede mong pagsisihan sa huli. Ipinapayo ni Christine M. Allen, PhD, psychologist at coach mula sa Syracuse, New York, na kung sa tingin mo ay malapit ka ng makapagbitaw ng masakit na salita ay mas makabubuting magpaalam na lang sa iyong kausap at umalis pansamantala. Maaari ka rin aniyang humingi ng 10-minuto o hanggang 10-araw sa iyong kausap para muli kayong makapag-usap. Sa ganitong paraan ay kapwa kayo kakalma sa inyong mga galit.
Huwag ilagay sa Facebook ang inyong away. Kapag ikaw ay galit, hindi na dapat ilagay pa sa iyong status na ikaw ay may kaaway. Ang paglalantad kasi nito sa mga ganitong social networks ay maaaring makapagpalala pa ng inyong problema. “Posting something publicly can’t be taken back”.
Iwasan ang pagpapadala ng e-mail. Kagaya rin ng paglalagay sa facebook na ikaw ay galit, hindi mo na rin mababawi ang anumang mga salita na ipapadala mo sa e-mail. Kung hindi mo talagang kayang kontrolin ang galit sa iyong dibdib, isulat mo lang ito sa word document at pagkatapos mong isulat lahat ay saka mo i-delete. Sa ganitong paraan ay mailalabas mo ang lahat mong nararamdaman ng hindi ka nakakasakit.
Iwasan ang pag-inom ng alak. Hindi totoo na makakapagpakalma ng galit ang alak. Kaya maraming tao ang umiinom kapag galit ay dahil sa ganitong paniniwala. Sa halip, kabaliktaran pa ito, dahil sa halip na kumalma ka ay mawawala ang iyong kontrol sa sarili. Nakakapagpababa kasi ng inhibitions ang alcohol. Direktang naapektuhan ng alcohol ang frontal lobes na utak ng tao, kung saan ito ang nagkokontrol para maiwasan ang paggawa ng hindi tamang bagay kapag ikaw ay nabibigla. Kaya sa halip na makakagawa ng tama, mas mapanganib pa sa iyong sarili at kapwa ang iyong nagagawa.