Sandaang mumunting halimaw (40)
HINDI na nakayanan ng mga matatapang na lalaki ang nakikitang mala-kingkong na mga higanteng halimaw.
Hindi isa o dalawa kundi apat.
Ang mga halimaw sa katawan ni Miggy ay mukhang kaya nila. Pero ang mga higante na pagka-aangas ng mukha? Takbuhan ang mga matatapang.
“AAAAHHHHH!”
Pero para lang silang mga laruang dinampot ng dalawa sa apat. At inilaglag sa bunganga ng mga ito.
Ni hindi nga natinga ang mga higanteng halimaw.
This is too much for Miggy kaya naiyak siya. Nagsisisigaw.
“Tama na pooo! Ayoko naaaaa! Wala po akong kasalanan, kung ikaw man ay isang diwata o ano pa man! Huwag n’yo akong idamay! Hindi ako sumali sa kanila! Hindi ko kayo binastos! Kung may kasalanan man ako, iyon ay dahil takot din ako sa kanila. Hindi ko sila nagawang pigilan. Pero tao lang po ako … tao lang pooo!”
Ang malinaw na batis na salamin ng naghihiganting engkantada ay biglang nagkaroon ng hugis.
Hugis ni Miggy na umiiyak. Nagmamakaawa. Nagpapaliwanag.
Nagpatuloy pa si Miggy na akala mo ay nakikita at kinakausap ang diwatang kaysama kapag nagalit.
“Hindi ba makapangyarihan kayo? Bakit hindi ninyo makita ang totoo? Wala ba talaga kayong kakayahang masilip kung ano ang totoo?
Bakit kayo maghihiganti kung maling tao ang pinaghihigantihan ninyo?”
Napakurap ang engkantada.
Nag-isip ito.
At inutusan ang batis.
“Aking tagapagtanggol na daloy ng tubig, totoo ba ang kanyang sinabi? Na inosente siya.Hindi siya kasali sa lumapastangan sa akin at nanakit kay Eugenio? Utang na loob, I want to be fair, linawin mo pa ang mga imahe. Kailangang ang makuha ko ay katotohanan dahil hindi naman ako masamang tao”. (Itutuloy)
- Latest