Sandaang mumunting halimaw (39)

“PAPATAYIN ko kayo! Papatayin ko ka­yooo!” hiyaw ni Shirya. Ang hubad na diwata ng nakatagong batis sa gubat ay galit na galit sa mga pumatay sa apat pang mumunting halimaw.

Ngayo’y 95 na lamang ang nalalabi sa orihinal na sandaang halimaw niya.

“Gusto n‘yo ng giyera, bibigyan ko kayo ng giyera!” Abot sa labas ng gubat ang sigaw ni Shirya. “Giyera na tayooo!”

NADINIG ni Miggy ang hiyaw ng diwata. Kinilabutan siya.

“Gaganti ang diwata, mga bro!” babala niya sa mga sekyu na pumatay sa apat na halimaw.

“Nanganganib ang buhay nating lahat sa kanyang ngitngit!”namumutlang sabi ni Miggy.

“Posibleng anumang oras ay narito na ang diwatang hubad, maghihiganti sa mga pumapatay sa mga halimaw niya!”

“Kanina mo pa kami kinukulili sa diwatang ‘yan, na hubad ‘ka mo! Ba­yaan mo siyang dumating dito, totoy! Mahihilig kami sa magagandang walang damit! Bwa-ha-ha-ha-haaa!” Bahagya man ay hindi natakot ang mga sekyu ng memorial park.

“Taas uli ang kamay, totoy!  At huwag ka uling maggagalaw habang inu­ubos na namin ang mga halimaw mo!”

Pero bago pa sila nakapamaril muli, ginulantang sila ng nakakikilabot na mga atungal.

GUWAAARRK. GUWAAAARK. GUWAAARK.

Nanginig pati ngala-ngala ng mga sekyu. Hindi makapaniwala sa nakikita.

Apat na higanteng gorilya! Malalaki pa kaysa kay KingKong!

Maging si Miggy ay nginig sa takot. “Panginoon ko pong Diyos!”

Palapit sa kanila ang mga higanteng gorilya. Sasakmalin sila.

Lalamunin nang buhay. Laman, buto, lahat-lahat. Hindi na sila magigising sa mundong ito.

MAY mga roving reporters sa lugar, kabilang na ang taga-international media. Kanya-kanyang click ng camera. Audio at video.

Bigla ay nasa world map na naman ang ‘Pinas, napansing muli ng global community ang bayan nina Juan at Ana! (Itutuloy)

Show comments