Nagrebelde dahil sa problema sa pamilya

Dear Vanezza,

Ang lola at ama ko ang nakagisnan kong nag-aruga sa akin. May dalawa akong kapatid na gaya ng aking ina, hindi ko rin sila kilala. Nilayasan daw ng aking ina si tatay tangay ang 2 kong kapatid. Balot ng kalungkutan at maraming katanungan ang aking paglaki. Kinalakihan ko rin ang madalas na paglalasing ni tatay na pawang nagtulak sa akin para magrebelde. Napabarkada ako dahil naghahanap ng atensiyon, pagmamahal ng ina at mga kapatid. Dahil dito, natutong manigarilyo at uminom teenager pa lang hanggang sa magbisyo ng droga. Walang pantustos kaya natutong magnakaw at manggantso. Humantong ito sa pagtutulak at naaresto ako ng mga awtoridad. Matagal na po akong nakakulong. Narehab at tuluyang naitakwil ang pagdo-droga. Sa kulungan, nagsikap akong mag-aral para mapaunlad ang sarili at mapaghandaan ang pagbabagong buhay sakaling lumaya. Wala na po ang lola ko pero nagbalik naman ang tatay ko na tanggap na ang pagkawala ng aking nanay. Nagbago na rin siya. Sana’y kapulutan ng aral ang aking kuwento. - Jocel

Dear Jocel,

Bagamat naging masalimuot  ang buhay  mo, hindi mo sana pinasahan ang sarili ng problemang hindi mo naman kagagawan. Hindi naging maligaya ang pagsasama ng iyong mga magulang kaya naipit ka sa kanilang problema at natagpuan mo ang sarili sa maraming katanungan sa iyong pagkatao. Maaring ang iyong pagkakulong ay daan para mamulat ka na hindi sagot ang pagrerebelde sa anumang problema. Magpakatatag ka at pagbutihin ang iyong sarili sa loob. Hindi madali ang magsi­mula at magpanibagong buhay. Pero kung mayroon kang matatag na determinasyon, makakayanan mo ito sa tulong ng Diyos. Natitiyak kong kapupulutan ng aral ang iyong karanasan.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments