PALAYO na ang tren, walang kamalay-malay sa naganap na drama sa riles.
Sina Shirya at Eugenio ay buhay na buhay, magkayakap na nakatumba sa malawak na bukid, ilang dipa sa daang-bakal.
BWUUUT. BWUUUT. BUWUUUT. Mayabang pa rin ang silbato ng tren. Titigil lamang ito sa pagtakbo sa tamang destinasyon.
Samantala’y nabulabog ng masamang amoy ni Eugenio ang daang-daang ibong maya.
Ang sariwang hangin ng kabukirang teritoryo nila ay biglang sinakop ng matinding amoy ng bagay na nabubulok.
Kailangang lisanin muna ng mga ibon ang kanilang paraiso.
Langkay-langkay silang naglakbay sa himpapawid, lumilipad na gamit ang malalakas na bagwis.
Nanlumo sina Eugenio at Shirya, naunawaan ang biglaang paglisan ng daan-daang ibon.
Mahinahong kumawala sa pagkakayakap ni Shirya ang nabubulok na zombie. Naglaglagan na naman sa lupa ang pakiwal-kiwal na mga uod.
Kapag pinalad na umulan nang malakas sa ganoong tag-araw, ang mababang kabukirang iyon ay babahain, lalambot ang matigas na lupa, magpuputik. Saka pa lamang magiging pataba sa lupa ang nakakadiring mga uod mula kay Eugenio.
“BAKIT iniligtas mo pa ako sa kamatayan sa riles, Shirya? Ano ba ang magiging buti nito?” naguguluhang tanong ni Eugenio.
Luhaang sumagot si Shirya. “Makabubuti ito sa akin, sa atin, Eugenio. Ikaw ng aking inspirasyon...”
“Pero napakabaho ko, kawawa ang mga ibon...” Tinanaw nila ang napakaraming ibon na nagsilikas. Napakalayo na ang mga ito sa paraisong kabukiran.
“Babalik din sila, Eugenio. Everything will come to pass. Lahat ay lilipas din, aking mahal”.
Iling nang iling si Eugenio. Alam ba ni Shirya na ilang araw pa ay mauubos na siya ng mga uod?
Magiging buto’t balat siya. Buhay na kalansay na lamang! (ITUTULOY)