PINAKYAW na ng ama ni Miggy ang stock ng peanut butter at strawberry jam sa grocery. Wala silang pakialam ng asawa kung ubusin mang lahat iyon ng mumunting halimaw.
Ang importante’y tantanan muna ng mga ito ang kanilang anak na napakabait.
“Salamat po, Daddy, Mommy...”
Itinanong ng ina ang kanina pa nais itanong sa anak. “Magtapat ka, Miggy, meron ka bang nagawang kasalanan sa babae sa batis...?”
Maging ang ama ay naghihintay ng sagot ni Miggy.
“H-hindi po natiis ng mga mata ko na... tingnan, titigan a-ang hubo’t hubad na kagandahan ng babae sa batis.”
Napapitlag ang mommy ni Miggy. “Diyos na mahabagin! Kasalanan iyon! Pinagnasaan mo sa isipan mo ang kaawa-awang babae, Miguel!”
Mas malawak naman ang kaisipan ng ama ng tahanan. “Umakto lang normal na lalake si Miguel natin, Mommy.
“Ako man ang nasa kalagayan ni Miggy, kapag may magandang babae na nakabuyangyang ang lahat-lahat, talagang tititigan ko rin. Kami ng anak mo ay hindi santo.”
“Basta para sa akin, sagrado ang katawan ng babae—hindi dapat pinagnanasaan!” Ayaw patalo ng konserbatibong ina.
“Oo na, pakisara mo ang lahat ng pinto at bintana, Mommy. Gagawa ako ng napakabaho! Suplado ang mga kapitbahay.”
Sumunod naman agad ang mommy.
Alam ni Miggy ang gagawin ng ama. Napapitlag ang binata, nasa mukha ang labis na pagtutol.
“Dad, alam n’yo namang ayaw na ayaw ko ng amoy ng gagawin ninyo, bakit ngayon n’yo pa isasabay? Kung kailan nagdurusa ako sa mga halimaw?”
“Mali ka, anak! Itong gagawin kong super-baho ang posibleng magliligtas sa iyo sa mga impaktitong ‘yan!”
“M-mumunting halimaw po, Daddy.”
“Whatever!” Itinuloy ng ama ang paggawa ng super-bahong putahe. Lahat ng lumang itlog na nabubugok na ang binate, hinalong mabuti.
Saglit pa, nagluto na ng kakaibang pagkain. Bibingkang itlog. (Itutuloy)