Sandaang mumunting halimaw (20)
NAGNGINGITNGIT sa galit ang mommy ni Miggy --sa babae sa nakatagong batis sa gubat.
“Ang babaing ‘yon na nagparusa sa iyo, Miggy, anak, ay walang sense of fairness. Hindi siya patas maggawad ng parusa.
“Dapat ay absuwelto ka dahil wala kang kasalanan, anak! Di ba?” kayhaba-habang sabi ng ina ni Miggy.
Natitigilan si Miggy o Miguel, halatang may hindi pa sinasabi. Patuloy siyang nginangatngat ng sandaang halimaw.
Patuloy na mabaliw-baliw sa sakit at kirot ng katawan ang mabait na binata. “Utang na loob po, pakibigyan n‘yo muna ng ibang makakain ang mga halimaw...”
Tarantang naghanap sa ref at sa dining table ang mga magulang ni Miggy.
Saglit pa’y nagbalik na sa kinaroroonan ni Miggy, dala ang sari-saring pagkain. “Anak, ano ang ibibigay namin?”
“Mommy, Daddy, ilantad po ninyo sa ibabaw ng dining table. A-ang mga halimaw ang pipili po...”
Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa. Binuksan ang mga pagkaing merong takip gaya ng sandwich spread at strawberry jam.
Inilapit ni Miggy ang mga halimaw sa mesang kainan. Nalanghap ng mumunting ‘alaga ni Miggy’ ang mga nakahain.
Meron agad mga nagustuhan. Ipinaalam ng mga ito kay Miggy, gamit ang tinatawag na thought waves.
Nabuhayan ng loob ang mabait na binata. “Gusto po nila ng strawberry jam at peanut butter, Mom, Dad!”
Nagkibit-balikat ang ama, okay lang daw. Lalo namang payag na payag si Mommy. “Kahit pa ubusin na nila, anak—basta kahit papa’no ay hindi ka nila mapahirapan”.
Nilantakan nga agad ng mga halimaw ang parehong matamis na palaman sa tinapay.
Kaso ay merong ibang mensahe ang mga ito kay Miggy. “G-gusto pa po nila. Damihan daw po.
“Kung puwede po ay ‘yung commercial quantity na ang bilhin ninyo—para maging busy sila”.
Si Miggy na ang nakikiusap sa mga magulang. (ITUTULOY)
- Latest