TSAK. Pinutol nga ni Dr. Reyus ang isang halimaw sa tiyan ni Primo, gamit ang mahaba at matalas na gunting.
Naputol ang isang halimaw, nahulog sa marmol na lapag.
Buhay pa rin ang halimaw, palundag-lundag, galit na galit na nakalitaw ang matatalas na ngipin.
“EEEEEE! EEEEE!” Tilian ang mga nurses, kilabot na kilabot, diring-diri.
Si Dr. Reyus ay namutla. “Oh my God... Oh my...God!”
Sa duktor tumalon ang naputol na halimaw, kumapit sa leeg nito.
“Takbooo! Eeeee!” Namumutlang nagsilabas ng observation room ang mga nurses. Naiwan si Primo at ang mga halimaw.
Si Dr. Reyus ay nawakwak na ang leeg sa lupit ng kagat ng naputol na halimaw. Dumanak ang masaganang dugo.
Gaya ng malusog na duktora, namatay si Dr. Reyus. Hindi ito nailigtas ng mga kapwa duktor.
KLAK. Nilagyan ng padlock ang pinto ng silid na kinaroroonan ni Primo at mga halimaw. Nagkaroon ng emergency meeting ang admin kung ano ang dapat gawin sa napakapanganib na pasyente.
“Magsuot tayo ng makapal na outfit, saka natin pasukin! Bombahin natin ang taong ‘yon ng flame thrower!” suhestiyon ng isang board member.
“Tama si Panyero. Surprised attack ang kailangan!” segunda ng isa pa.
“Pero, mga pare, tiyak na pati pasyente ay mapapatay! Para na ring minarder ‘yung tao!”
Tumutol ang chairman of the board. “Hindi ordinaryong tao ang kalaban! Baka nga taga-impiyerno ‘yon kundi man isang alien from outer space!”
Dinaan sa madaliang botohan ang pasya. “Those in favor, magtaas ng kamay! Ang mga tutol ay huwag magtaas!”
Halos lahat ay nagsipagtaas ng kamay. Tatlo lang ang tutol.
SA ROOM na kinaroroonan ni Primo, tila nagpupulong din ang mga halimaw; ramdam ng mga ito ang papalapit na panganib.
Pansamantalang itinigil ng mga halimaw ang pagkagat kay Primo. Ang huli ay gising na pero hinang-hina.
“Guwark-kikikik. Guwaark-kikikikik.” Alam ni Primo, balisa ang mga halimaw.
(ITUTULOY)