NAGTATANONG na si Avery sa kanyang kalagayan matapos matiyak na nakikita pala talaga siya ng iba. “Bakit ako nagiging ispiritu? Bakit ako nagkakaroon din ng flesh? Bakit ako nakita noon ni Russel na uka-uka ang katawan? Ang kamay? Ang tiyan?”
Na sinasagot naman ng usapan nina Soledad at ang prince ng kadiliman.
“Napakagaling ko, ‘di ba, Soledad? Very creative ako! Ginamit ko pa ang dunong ng tao tungkol sa mga kakaibang psychological na sakit!”
Nganga si Soledad, medyo mahina sa information kasi. “Ano nga ho ‘yon, aking Panginoon?”
“Hangal! Wala ka talagang alam. Nag-i-internet ka ba? Sa internet ko nabasa ang tungkol sa walking dead syndrome!”
“Walking dead syndrome? Paki-explain naman, o …”
“Ang walking dead syndrome ay isang sakit sa utak, Soledad! Na madalas ay napupunta sa mga taong depressed, galing sa isang masakit na pinagdaanan o trauma. Hindi nga ba namatay ang mga magulang ni Avery? Na nangyari naman dahil iyan ang idinasal-dasal mo sa akin. Na mamatay ang mga magulang niya para mapunta sa iyo ang yaman.
At pagkatapos nang pagbigyan kita, hiniling mo naman na gawan ko ng paraan para hindi ka mahaharangan ni Avery sa yaman ng kanyang mga magulang. Hindi ko naman siya pinatay. Kasi ayokong repetitive ako. Paulit-ulit, walang creativity! Ang ginawa ko kay Avery ay pinaniwala ko siyang patay na siya … isang living dead. Pero ang totoo niyan, gawa ng aking kapangyarihan ang mga nakikita at nararamdaman ni Avery. Ginagawa ko siyang ispiritu, butas ang tiyan, uka-uka ang mukha at katawan na siniguro ko pang makikita ni Russel.
“Kaya hanggang ngayon litong-lito si Avery kung ano ba talaga siya. Ha ha ha!” Ang lakas ng halakhak ni Satanas.
“Pero mas gusto ko pa rin hong mamatay na si Avery. Para talagang akin na ang yaman nila.”
Nainis ang panginoon ng kadiliman. “At sisirain mo ang saya ko? Enjoy na enjoy pa ako, Soledad!”
“Kailan ho ninyo papatayin ang Avery na ‘yon?”
“Hindi na kailangan. May hidden agenda ako dito. Gusto kong magpapakamatay siya dahil hindi na niya kaya ang nangyayari sa kanya! Magiging akin ang kanyang kaluluwa kapag nag-commit siya ng suicide! At kailangan now na! Kapag hindi pa rin siya nagpakamatay hanggang bukas, matatalo na ako ng boss sa langit. Mapapabalik na ako sa impiyerno at kawawa na tayong dalawa, Soledad! Pareho tayong talo!”