Naging panakip butas

Dear Vanezza,

Isa po akong waiter sa isang bar & restaurant. May nakilala akong babae na regular customer ng bar. Noong makilala ko siya, mayroon siyang mabigat na problema. Halata ito dahil malungkot siya. Mag-isa siyang umiinom. Naka-4 na bote na siya at bandang alas-12 ng hatinggabi mukhang lasing na kaya lumapit ako para magpaalala na medyo napaparami na ang nainom niya. Sabi nya huwag ko raw siyang pakialaman. Pero hindi ko natiis na hindi siya uli lapitan nang bumagsak siya sa sahig. Pauwi na’ko at naisip ko kung iiwan ko siya baka siya mapa’no. Hindi ko alam kung saan ko siya ihahatid. Tulog na tulog siya kaya dinala ko siya sa bahay namin. Pero umaga na nang magsising siya at doon na kami nagkakilala.

Naglasing daw siya dahil sa sama ng loob. Nakita niya ang bf niya na may kasamang ibabang girl. Mahal na mahal daw niya ang bf niya. Naging magkaibigan kami. Lagi kaming namamasyal hanggang sa naging kami. Pero isang araw nag-text siya. Pasensiya na raw dahil napatunayan niyang mahal pa niya ang bf niya kaya nagkabalikan sila. Ang sama ng loob ko. Pero wala akong magawa. Hindi ko naman siya puwedeng pilitin na mahalin ako kung may iba nang nagmamay-ari ng kanyang puso.

Dear Jed,

Talagang mahiwaga ang pag-ibig. Kahit saktan pa ang isang babae kung talagang mahal niya ang lalaki pilit na ipinipikit ang mata sa katotohanan kahit niloko. Kalimutan mo na siya at huwag padadaig sa sama ng loob. Aral na iyan sa’yo. Kung ang isang babae ay mayroon nang nagmamay-ari ng puso, huwag nang tangkain pang ibigin. Magiging panakip-butas ka lang.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments