Patay na ako, mahal (39)

TULUY-tuloy nang pumasok sa lobby ng ospital si Avery matapos bilinan ang kabayo na huwag umalis, manatili sa tabi ng punong-mangga.

Mahigpit ang lobby guards sa mga pumapasok, sinusuri talaga ang mga bag, kinakapkapan pati mga babae.

Hindi na nagtaka si Avery nang makapasok siyang walang hassle, natiyak na hindi siya nakikita ng sinuman sa ospital na iyon.

“Ganito naman ang estado ng buhay ko-- mulang ako’y mamatay sa plane crash sa dagat, with my parents,” sabi ni Avery sa sarili.

Malaya siyang nakarating sa information desk. Busy sa pakikipag-text ang babaing naka-assign doon.

Mabilis na binulatlat ni Avery ang log book, hinanap ang ngalan ni Russell.

“Heto. Nasa operating table na siya sa mga sandaling ito. Dapat ko siyang madaluhan, makita...” sabi ni Avery sa sarili; hindi kakayaning mawala nang basta na lang ang lalaking minamahal.

Binilisan niya ang pagpunta sa OR. Bilang ispiritu o anupaman, gusto nga niyang makapiling si Russell sa sandali ng pinakamapanganib na krisis sa buhay nito. Hindi niya iiwanan si Russell anuman ang mangyari.

Klak-klak-klakk. Ginalaw-galaw niya ang handle ng OR, natiyak na hindi niya kayang buksan iyon, hindi siya makapapasok.

Nais nang mataranta ni Avery. Sana bilang ispiritu, kaya niyang maglagos sa anumang pintuan, she wished.

Kaso ay bigo nga siyang makapasok. Nai-ima­gine niyang inooperahan na ang binatang minamahal.

“Russell, mahal... kung ikaw ay mamamatay, makipagkita ka agad sa akin... sabay tayong pupunta kahit saan.” Sa isip lang ito sinabi ni Avery, may kasamang mga luha.

Pinili niyang maupo sa waiting long bench sa di-kalayuan sa OR.

Iisa ang taong nakaupo doon, isang lalaking masama ang tingin sa kanya.

Tinaliman ito ng tingin ni Avery. “Huwag mong sabihing naririnig at nakikita mo ako.”

“Loud and clear, mars! Naririnig ko ang pangit mong boses, nakikita ko ang ultra-pangit mo ring anyo!” matalas na sabi ng lalaki.

Hindi ito tunay na lalaki, natiyak agad ni Avery. Isa itong alanganin.

Bading, bakla pala. Miyembro ng 3rd sex. 

(ITUTULOY)

 

Show comments