Patay na ako, Mahal (29)

HABANG si Russell ay naghahanap ng lutong-bahay na nais kainin ni Avery, sa loob ng musoleyo, may isa pang nilalang na naghahanda naman ng maitim na plano.

Si Tita Soledad, ang sakim na tiyahin ni A­very. Kasalukuyan itong nakatingalang nakadipa, tumatawag sa panginoon nitong kalaban ng Diyos.

Ang prinsipe ng kadiliman. Dito sumasamba si Tita Soledad.

“Kailangan na ang marahas na hakbang, aking prinsipe! Oras na para patayin ang hadlang!”

Matangkad ang istatwang gawa sa maitim na kahoy, nangingintab sa langis ng niyog ang buong pigura.

“Ang hadlang na tinutukoy ko ay ang ugok na lalaking matinding nagmamahal  kay Avery, aking prinsipe!

“Ang buwisit na si Russell!” sigaw ni Tita Soledad, nakatingala pa rin sa sungayang istatwa.

TSIKISSST.  Tunog ito ng matatalim na kidlat, sa loob mismo ng kinalalagyan ng istatwang nakangisi.

EEEEE!  Napasigaw si Tita Soledad, naramdaman ang bagsik ng kidlat. Buong akala’y nasunog na siya.

“Huwag mo naman akong bibiruin nang ganyan, aking prinsipe! Meron akong high-blood at sakit sa puso!

“Ayoko pang matigok! Nais ko pang maghasik ng lagim at ligalig, sa ngalan mo, aking prinsipe!”

Nakayuko si Tita Soledad, hindi napansin ang pagngisi ng simbolo ng kasamaan. Parang sinasabing aprubado nito ang gagawing pagpatay ng tagasamba.

Humingi ng kumpirmasyon si Tita Soledad. “Aking prinsipe, bilang tanda ng pagsang-ayon mo—pagalawin mo ang iyong mga sungay!”

Umihip ang malakas na hangin sa loob ng saradong sambahan.

SWUSSSHH.

Ibinaligtad ng hangin ang tiyahin ni Avery. KABLAAG.

“BWA-HA-HA-HAA!” garapal na halakhak ng may sungay. (ITUTULOY)

Show comments