Karamihan sa mga nagiging sanhi ng pananakit ng likod, ayon sa pagsusuri ng mga espesyalista, ay ang mga sumusunod:
Luslos (Herniated disk). Nagdudulot ng kirot sa likod ang luslos. Ito ay dahil kumikiskis ang disk sa mga nerve sa palibot ng gulugod.
Tagasagap ng kirot. Sumasagap ng anumang kirot mula sa iba’t ibang panig ng katawan ang ibabang bahagi ng gulugod. Nangyayari ito dahil sa iisang nerve ang apektadong bahagi ng gulugod at ang iba pang bahagi ng katawang kumikirot.
Osteoporosis. Tumutukoy ito sa patuloy na pagnipis ng buto at pagkaubos ng bone calcium na nagiging sanhi ng pagkahukot at mabilis na pagkabali ng buto.
Pagkakuba (Kyphosis o kyphoscoliosis). Lumalaylay ang itaas na bahagi ng gulugod at umuumbok ang taguri sa “kyphosis” o “kyphoscoliosis”. Kapag ang lumabis ang pagkakuba ay kinakailangan nang magpagamot, dahil kung hindi ay kikirot ang likod ng sinumang mayroon nito.
Scoliosis. Resulta ito ng kondisyon mula ng pagkapanganak pa lamang, at lumulubha habang nagkakaedad ang tao. Karaniwan itong nabubuo sa itaas na bahagi ng katawan o sa ilalim ng batok pababa. Kumukurba sa hugis “S” ang gulugod at ito ang pinagmumulan ng kirot.