“HINDI na kayo nangangalumata, ma’am, ang ganda-ganda n’yo na uli,” genuine na puri ng nars kay Avery.
Tumango dito si Avery, nakangiti sa nars. Bahala nang siya ay litung-lito na naman sa kalagayan.
Nakahinga naman nang maluwag si Russell. Anumang himala ang naganap—na si Avery ay hindi na mukhang zombie or walking dead—ay labis niyang pinasasalamatan.
Hindi ma-imagine ng binata ang lilikhaing gulo kung nagkataong nakita ng nurse ang pagiging zombie o walking dead ng pasyente.
“Siguro’y napatay na ng mga sekyu si Avery. Hindi bubuhayin ng taong buhay ang mga nilikhang mula sa impiyerno,” sa loob-loob ni Russell.
“Kailangan na naming lumabas, nars, pakisabi sa mga doctor. Okay na ang pasyente at ayaw nang tumigil dito sa ospital”. Isinatinig ni Russell ang kahilingan ni Avery.
“Sasabihin ko po kina dok, sir. Baka nga puwede na. Ako nga rin po kapag nagkakasakit, ayoko sa ospital.
“Tulad po n’ung nilagnat ako dahil sa kambal na pigsa, nag-take lang po ako ng antibiotics. ‘Buti gumaling naman”. Napakadaldal pala ng nars.
Diniplomasya ito ni Russell. “Sige, pakisabi agad sa kinauukulan ang request ng pasyente, ha, nars?”
“Ayy, opo! Pasensiya na po sa sobrang talkative ko! Ipinaglihi po ako sa manok na putak nang putak! Hi-hi-hi”.
Nginitian ito ni Russell. Mahaba rin ang pasensiya ng binata.
“Meron pala akong isang kahilingan sa iyo, Russell... na sana ay magawa mo pagdating natin sa musoleyo”.
“Of course, magagawa ko agad, Avery. Ikaw pa. Kuwan, ano ba ‘yon?” Sa harap ni Avery ay isang masunuring alipin si Russell.
Kahit pa nga sa bahay, ito ay senyorito.
“Nais kong kumain ng batsoy, Russell, bago ako magpakatotoong patay na”. Seryoso si Avery.
Hindi malaman ni Russell kung ano ang iisipin.
“Ituring mo akong bilanggo sa Death Row na nagre-request ng huling hapunan, Russell. Gusto ko talagang kumain ng batsoy”. (ITUTULOY)