Patay na ako, mahal (17)
NAMANHID ang pisngi ni Avery dahil sa mag-asawang sampal ng galit na galit na si Tita Soledad.
Pero mas nasaktan ang damdamin ng dalagang naniniwalang patay na.
Bakit siya pinagmamalupitan ng tiyahing caretaker lamang ng yaman ng kanilang pamilya?
Para namang nabasa ng tiyahin ang nasa isip ni Avery. “Caretaker nga lang ako pero napapakinabangan ninyo! Kung wala ako, wala na siguro ang ipinagmamalaki ninyong kabuhayan! Nalustay na ng iba!”
Ayaw nang magpatalo ni Avery sa argumento. “Nobody is indispensable, Tita Sol! Lahat ng tao ay kayang palitan!”
“Patay ka na! Hindi ako puwedeng alisin sa puwesto ng patay na!” mataas ang tinig na sagot ng tiyahin.
“AVERY! Alam kong nandiyan kayo ng tita mo sa loob ng musuleyo! We need to talk, believe me!” Nasa labas ng musoleyo si Russell.
“Kaya ko ngang patunayan sa iyo na ikaw ay buhay! Trust me, please!”
“Huwag kang sasagot, Avery, binabalaan kita!” singhal ni Tita Soledad. Hawak nito ang martilyo, handang ipukpok sa ulo ng dalaga.
Saglit lang na nag-isip si Avery, hindi nahulaan ng tiyahin ang gagawin.
“Uuumm!” Walang babalang itinulak ito ng pamangkin.
Napatihaya ang bruhitang tita, taas ang dalawang paa, bagsak sa baldosa ang pang-upo. PLAAG.
“Aaaahh!” malakas na daing ni Tita Soledad, nakangiwi sa sakit.
KRIIPP. Lalong nawarak ang suot na panties na hiniram kay Avery.
Tinakbo ni Avery ang saradong pinto ng musoleyo, tangkang buksan agad para papasukin si Russell.
Bumulalas ang tiyahin, may pakiusap ang tono. “H-huwag naman...m-makikitaan niya ako... ibangon mo muna ako, please...”
“Russell, you wait! Give me a minute!” sabi ni Avery sa nasa labas.
Ibinangon muna niya ang tita. Iniupo ito sa easy chair na de-kutson.
Iyon ang pagkakamali ni Avery. Umandar ang kasamaan ng tiyahin. Pinalo siya ng martilyo sa bumbunan.
KRA-A-AAK. Putok ang ulo ni Avery, lumatag ang katawan. (Itutuloy)
- Latest